Bulok na pulis, nasampulan na, iba pang pasaway, ubusin na!

Nasampulan na ang isa sa mga tinaguriang ninja cops.
Ayon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP), sibak na sa serbisyo bilang pulis si Lt. Joven de Guzman, ang sinasabing team leader ng maanomalyang drug raid sa Antipolo City noong Mayo, 2019. Ito ay matapos siyang makitaan ng grave misconduct ng Internal Affairs Service (IAS).
Matatandaang, pinasok umano ng pitong pulis sa pamumuno ni De Guzman ang isang bahay sa Antipolo nang walang search warrant at pinalabas na buy-bust operation ang nangyari. Kinuha umano ni De Guzman at mga kasama nito ang P30, 000 cash at ilang gadgets sa loob ng bahay, kasunod ang pagtatanim ng shabu sa biktima.
Nauna rito, sinasabing isa rin si De Guzman sa 13 ninja cops na nag-operate sa Pampanga noong 2013 kung saan nakumpiska ang nasa mahigit 200 kilos ng shabu subalit, mahigit 30 kilos lamang ang ipinalabas na kanilang nasamsam.
Patunay ito na may katapusan din ang masamang gawain. Hindi habambuhay ay maitatago ang kawalanghiyaan sa uniporme.
Kung puwede lang sibakin ang lahat ng pulis na gumagawa ng kababalaghan habang nasa serbisyo ay gawin na! Tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, hangga’t may isang bulok sa kapulisan, posibleng mahawa rin ang iba.
Batid nating napakalaking hamon ang haharapin ng susunod na hepe ng PNP, pero mas malaking hamon ang papasukin ng mga bagong pulis.
Kailangan nilang pumasok nang puno ng katatagan at pag-asa… matatag laban sa iba’t ibang tukso at umasang malilinis din ang kanilang hanay.
Sa ngayon, sibakan muna hanggang sa maubos ang mga kapalmuks sa PNP.





Comments