Umawat sa away.. SK kagawad sinaksak

Malubhang nasugatan ang isang kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK) makaraang saksakin ng basag na bote habang umaawat umano sa away ng kanyang mga kapitbahay sa kanyang nasasakupang barangay sa Project 4, Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si John Crisanto Bejo, 21, SK kagawad ng Bgy. Eskopa Dos. Ayon kay Police Lt. Nick S. Fontanilla, agad nadakip ang suspek na si Errol Castor Lim, 51, mananahi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang insidente ay naganap alas-2:15 kahapon ng madaling-araw sa Top Side Road ng nasabing barangay.
Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, bilang kagawad ng SK ay inawat umano ng biktima ang suspek at dalawang lalaki na nagkakagirian.
Subalit, sa halip na paawat ang suspek ay ang kagawad ang pinagtuunan nito ng galit at sinaksak ng bote sa likuran.
Nang duguang bumagsak ang biktima ay agad na dinala ng kanyang mga kapitbahay sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) at hanggang ngayon ay inoobserbahan pa dahil sa ‘avulsed wound postero lateral chest’, ayon kay Dr. Gizelle Bea U. Estrella.
Matapos ang pananaksak, boluntaryo namang sumuko ang suspek sa pulisya at sinabing pinagtulungan siyang bugbugin ng biktima at dalawang kasama nito.





Comments