Tapos na ang Undas, hello trapik na naman!

Ilang araw ding nakahinga ang mga kalsada mula sa matinding trapik.
Habang abala ang marami sa paggunita ng Undas, may ilang bumiyahe pa-EDSA ang tila namangha at napa-post pa sa social media ng, “Sana laging ganito” — walang trapik, walang gitgitan, walang ingay ng mga busina, walang karambola at walang stress!
Kung puwede lang sana na palaging holiday, nasa probinsiya o nasa bahay lang at walang dahilan para bumiyahe.
Pero, kahapon ay nagsimula nang kumapal ang mga sasakyan sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Pabalik na ng Metro Manila ang mga motoristang galing sa iba’t ibang lalawigan matapos ang paggunita ng Araw ng mga Patay. Kasunod nito ang unti-unti namang pagbigat ng daloy ng trapiko pagpasok ng Kamaynilaan.
At simula ngayong araw, mas matinding trapik pa ang mararanasan dahil start na ng Christmas rush. Taun-taon ay may mga ipinatutupad na plano at programa ang gobyerno para tugunan ang matinding problema sa trapiko tulad ng pagtatalaga ng mas maraming bantay sa lansangan, pakikipag-usap sa mga bus company kung paano makatutulong sa mas maayos na sistema ng biyahe at maging sa mga pribadong establisimyento tulad ng mga mall para naman sa pag-i-schedule ng kanilang operasyon.
At bilang motorista at komyuter, ang inaasahan sa atin bilang ambag ay ang pagiging disiplinado at pasensiyoso.
Sa ngayon, wala tayong magagawa kundi ang umasa at hintaying matapos ang mga proyekto na sinasabing magpapaginhawa ng lahat. Sana lang ay hindi tayo biguin ng gobyerno.





Comments