top of page
Search
  • Shane M. Ludovice, M.D

Tamang edad na puwedeng purgahin ang batang may bulate

Dear Doc. Shane, Ako ay single mom at may dalawang anak na edad 3 at 6. Sila ay parehong payat at ang sabi ng nanay ko na nag-aalaga sa kanila na madalas daw silang walang ganang kumain. Napapansin ko na nagkakamot sila ng puwit kaya feeling ko, may bulate sila. Naisip kong purgahin sila para makasiguro. Gusto kong malaman kung meron bang programa sa health center na nagbibigay ng libreng gamot para rito? — Jean

Sagot Ang pagpupurga o deworming ay ang pagtatanggal ng bulate sa bituka ng tao sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot. Ang pagkakaroon nito ay nagdudulot ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at maaari rin itong maging sanhi ng malnutrition ng bata.

Ang mga karaniwang bulate na nakatira sa tiyan ay ang round worms, tapeworms, pinworms at hookworms. Nakukuha ito sa hindi paghuhugas ng mga kamay pagkatapos dumumi, madalas na paghawak sa maruruming bagay o hayop, pagkain ng karne, prutas o gulay na hindi nahugasan o nailuto nang maayos at pag-inom ng kontaminadong tubig.

Kailan dapat purgahin ang bata?

Ang pagpurga sa bata ay maaaring gawin kapag ito ay lampas dalawang taon na. Malaki ang tsansang mabiktima ng bulate ang mga batang nasa edad 2 pataas dahil madalas ay naglalaro ang mga ito sa mga lugar na may germs at humahawak ng kung anu-anong bagay, saka ipapasok ang kamay sa bibig.

Saan maaaring magpapurga?

Mayroong libreng pamurga sa mga health center, rural health unit at barangay health station para sa mga batang hindi naka-enroll.

Narito ang ilan sa mga paraang dapat gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan:

  • Maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain.

  • Ugaliing gupitan ang mga kuko ng mga bata.

  • Siguraduhing malinis at nailuto nang maayos ang pagkaing inihahanda. Hugasan maigi ang mga gulay at prutas.

  • Huwag hayaang nakatapak ang mga bata o palagi silang pasuotan ng sapatos o tsinelas lalo na kapag lalabas ng bahay. Ang hookworm ay puwedeng pumasok sa balat ng mga paa.

  • Ugaliing maghugas at magsabon ng mga kamay pagkatapos dumumi o gumamit ng banyo.

  • Maging malinis sa bahay at kapaligiran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page