top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Supra GM So, kauna-unahang world champ sa Fischer random

Eddie M. Paez,Jr.
Nov 4, 2019
2 min read

Ginulat ni Grandmaster Wesley Barbosa So ang buong daigdig ng ahedres matapos nitong ilampaso ang tila walang kahinaang si GM Magnus Carlsen, 13.5-2.5, at inukit sa kasaysayan ang kanyang pangalan bilang pinakaunang world champion ng FIDE Fischer Random Chess Championship nang magsara ang duwelo ng dalawa sa teritoryo ni Carlsen sa Henie Onstad Kunstsenter Art Museum ng Norway.

Sa loob ng tatlong araw ng bakbakan sa checkered board, apat na panalo at dalawang tabla ang inirehistro ni So sa kanyang hindi inaasahang panghihiya sa Norwegian na kasalukuyan ding world titlist sa standard chess at numero unong manlalaro sa buong mundo pagdating sa blitz at sa rapid chess. Ang mga puntos ni Carlsen ay nagmula lang sa dalawang tabla nila ni So.

Noong unang araw, kinaldag na agad ni So si Carlsen, 4.5-1.5 sa dalawang “slow rapid” chess”, bago ito umalagwa noong pangalawang araw, 10.5-1.5 sa kompetisyong nagsimula noong Abril sa pamamagitan ng mga serye ng qualifying tournaments.

Sa huling araw ng duwelo nina So at Carlsen kung saan panuntunan ng “fast rapid chess” ang pinairal, isang kalkuladong 28-move na draw at isang pamatay na panalo pagkatapos ng pang-29 na sulong ang nagtulak kay So, 26-anyos na tubong Cavite at dating hari ng Philippine chess, sa kasaysayan sa larong pumapabor sa mga manlalarong may malupit na talento at kahit walang paghahanda hindi kagaya ng tradisyonal na laro ng ahedres.

Bago nagsimula ang championship face-off, marami ang naniniwalang kay Carlsen mapupunta ang korona dahil bukod sa paging world champion sa standard chess ang Norwegian din ang numero unong woodpusher sa rapid chess at blitz chess. Naroon din ang katotohanang inspirado si Carlsen dahil sa harap ng mga kapwa Norwegians siya naglalaro.

Pero inilantad ni So ang kahinaan ni Carlsen hindi sa harap ng mga kababayan ng katunggali kundi sa mata ng buong daigdig. Ang resulta ay nagbigay kay So ng bagong kinang sa kanyang career, isang tropeo at gantimpalang salapi na $125,000. Nakuntento naman si Carlsen sa papremyong $75,000 dahil sa pagiging segunda nito. Ang biktima ni So noong semifinals na si Nepomniatchi ang 3rd place matapos daigin si Italian-American Fabiano Caruana sa kanilang bakbakan para sa huling upuan sa podium.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page