Pagpanaw, demonyo, dugo etc... Mga ibig sabihin at ipinahihiwatig ng nakakatakot na panaginip
- Twincle Esquierdo
- Nov 4, 2019
- 2 min read

Minsan, ang mga panaginip natin ay nakakatawa, nakakatakot o nakakalungkot, pero hindi natin alam kung ano talaga ang kahulugan nito. Ayon kay Dr. Randy Dellosa, dream analyst at psychiatrist, nare-reboot ang utak natin kapag tayo ay natutulog. Gayunman, anu-ano ang ibig sabihin ng mga nakakatakot na panaginip?
1. PAGPANAW. Kung nakita mo sa iyong panaginip na ikaw ay pumanaw, hindi ibig sabihin nito na ikaw ay mamamatay na. Sinasabi nito na tapos na ang isang bagay sa buhay mo at magkakaroon ka ng bagong simula.
Halimbawa, tapos ka na sa buhay-dalaga o binata kaya panahon na para maging magulang o bumuo ng sariling pamilya.
2. ATAUL. Kapag napanaginipan mo na nasa loob ka ng ataul, ibig sabihin nito ay hahaba pa ang buhay mo kahit may karamdaman ka, ngunit, kung ito ay nakita mo lang, ibig sabihin ay nasa mabuting kalagayan ka.
Kung ibang tao ang nakahiga rito ay nangangahulugan na nasa maayos na kalagayan ang pamilya mo.
3. SEMENTERYO. For sure, may mga naiisip kang nakakatakot kapag ito ang napanaginipan mo, pero ipinahihiwatig nito na tinatapos mo na ang iyong hindi magagandang ugali at matinding kalungkutan sa iyong buhay.
4. PATAY NA KAANAK. Nagpapahiwatig ito na naiimpluwensiyahan ka ng mga negatibong tao. Gayundin, ito ay nagbibigay ng mensahe na kailangan mong tanggapin na wala na sila at panatilihin ang kanilang alaala.
5. DUGO. Maraming ibig sabihin ang dugo sa panaginip, depende sa sitwasyon o kung saan at kanino nakita ang dugo. Ang dugo ay sumisimbolo sa buhay, passion, pag-ibig at pagkabigo. Gayunman, kung nakita mo na nakasulat ang salitang dugo gamit ang kahit anong panulat, nagpapahiwatig ito ng sitwasyong hindi maiiwasan.
Pero kung isinulat ito gamit ang dugo, ibig sabihin, gagawin mo ang lahat para matupad ang iyong mga pangarap. Samantala, kung nakita mo naman ito sa dingding, ito ay babala na kailangan mong mag-ingat.
6. DEMONYO. Hindi natin maitatanggi na talagang nakakatakot na managinip nito. Tumutukoy ito sa iyong nararanasan o nararamdamang takot tulad ng stress o pisikal na pang-aabuso.
Gayundin, sinisimbolo nito ang iyong sarili dahil maaaring napaliligiran ka ng mga nagetibong bagay o tao.
7. BANKRUPT. Ito ay babala na kailangan mong kumilos para proteksiyunan ang iyong sarili at kayamanan. Nagpapahiwatig din ito na nakararanas ka ng stress at insecurities.
Katakut-takot man ang mga ganitong panaginip, palagi pa rin nating isipin ang positibong kahulugan nito.
Hindi porke nakakatakot ay may masama na itong ipinahihiwatig. Gets mo?




Comments