top of page
Pokwang.jpg

4 karnaper utas sa pulis

Jeff Tumbado
Nov 4, 2019
1 min read

Photo: northboundasia

Napatay sa pakikipagbarilan ang apat na notoryus na carnapper matapos ang hot pursuit operation ng pulisya sa Plaridel, Bulacan, kahapon.

Naganap ang engkuwentro sa mabukid na bahagi ng Bgy. Bagong Silang alas-3:50 ng madaling- araw kung saan nakorner at wala ng buhay na bumulagta ang mga suspek na patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan.

Ayon kay Bulacan Provincial Police Office (BPPO) Director Col. Chito Bersaluna, hinarang at sapilitang tinangay ng mga suspek ang kotse na Toyota Vios habang nakatutok ang kanilang mga baril sa driver nito sa tapat ng convenience store sa Bgy. Dos.

Kinuha umano sa driver ang susi ng sasakyan saka ito itinakbo ng mga suspek. Agad na nag-report ang biktima sa pulisya kaya naialarma ang kinarnap na sasakyan.

Sa ikinasang dragnet operation ng pinagsamang puwersa ng Plaridel Municipal Police Station at Provincial Intelligence Branch ay namataan ang kotse na umiwas pa sa checkpoint na inilatag sa Bypass Road sa nabanggit na barangay.

Hinabol na ng pulisya ang kotse at pagdating sa NIA Road ay dito na nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng dalawang grupo hanggang sa tuluyang ma-neutralized ang mga suspek.

Nakuha sa mga suspek ang dalawang caliber .38 na baril, isang caliber .45 at Uzi submachine gun. Nabatid pa sa report na tinamaan ng bala ang isang pulis na masuwerteng tumama naman ito sa kanyang vest.

Iniimbestigahan na ng mga pulis kung anong grupo nabibilang ang mga suspek na hinihinalang posibleng bagong carnapping group ang mga ito at sangkot din sa gun- for-hire operation at panghoholdap.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page