Lindol, ASF, Polio at iba pang trahedya, hindi si Lord ang may gusto, kasalanan din ng tao
Hindi lang pagpunta sa sementeryo at pag-alala sa mga namayapa nating mahal sa buhay ang kabuluhan ng unang araw ng Nobyembre dahil sa totoo lang, hindi tungkol sa mga kaluluwa kundi sa mga banal o santo ang araw na ‘yan.
Kaya naman hindi lang tayo pinaalalahanang ipagdasal ang mga kaluluwa kundi gunitain at pagnilayan din natin ang buhay ng mga santo.
Hindi lamang tungkol sa relasyon sa Diyos at tao ang kabanalan. Pinaaalala sa atin ng mga santo, lalo na ni San Fransisko ng Assisi na banal din ang kalikasan. Ganu’n na lang ang paggalang at pagmamahal niya sa mga bato, puno, hayop, kabundukan, kagubatan at iba pang bahagi ng kalikasan. Pero nakakalungkot na marami sa atin ang malayo sa kanyang halimbawa.
Napakaraming nangyayaring paglindol sa iba’t ibang bahagi ng mundo at kasalukuyan ding nakararanas nito ang ilang lugar sa ating bansa. Malaki ang pinsala, maraming nasaktan at ang masakit, merong mga nasawi.
Matapos ang 19 taon, muling nagkaroon ng kaso ng polio sa ating bansa. Bagama’t, taun-taon nangyayari, nakakalula ang bilang ng mga pasyenteng nagkaroon ng dengue at hindi lamang tao ang naapektuhan ng mga sakit dahil libu-libong baboy din ang dinapuan at pinatay ng African Swine Fever (ASF). Pero sa kabila nito, normal lang ba ang mga nangyayaring ito?
Nang tamaan ang Kabisayaan ng Bagyong Yolanda na tinaguriang “Super Typhoon of the Century,” ipinaliwanag ng mga eksperto na likas na nangyayari ito kada 100 taon. Ang paglamig at pag-init ng panahon, ang mga pag-ulan at pagkatuyot ay hindi maiiwasan dahil likas na bahagi na ito ng ritmo at daloy ng kalikasan.
Subalit, tingnan natin nang mas malalim ang isa pang elemento ng buhay na malinaw na hindi bahagi ng ritmo at daloy ng kalikasan, ang basura. Kahit saan tayo tumingin ay meron nito, sa kalupaan o katubigan man. Idagdag pa ang tila walang katapusang usok na lumalason sa hangin. Pero, ano o sino ba ang lumikha nito? Walang iba kundi ang tao, tayo.
Sa ating walang habas na pagkonsumo ng iba’t ibang bagay, hindi natin napapansin na unti-unti rin nating inuubos at pinapatay ang kalikasan at inilalagay sa alanganin ang kinabukasan ng mundo.
Sa kabila nito, anumang kailangan ng tao ay makukuha sa likas na yamang minimina, hinahango at ginagawang produkto. Nakakalungkot na maraming bundok ang pinatag ng mga malalaking mining corporations.
Ayon sa namayapang si Gina Lopez, dahil sa ganda at yaman ng Pilipinas, higit na mainam na palakasin ang “eco-turismo” kaysa sa pagmimina na umuubos at sumisira sa kalikasan. Sayang at hindi siya nagtagal sa DENR hanggang sa namatay na lang ito. Hindi ba, tulad ni San Fransisko, sinikap din ni Gina na ituro ang mabuti at dapat na pakikitungo sa kalikasan? Hindi ba, ito ang bagong kabanalan na kailangang isabuhay ng bawat tao?
Kung naririto pa si San Fransisko, hindi malayong magsalita at makiusap ito na panahon na para magising na tayo. Hindi lang ang Inang Kalikasan ang pinapatay natin kundi maging ang ating sarili. Kapag patuloy natin itong inabuso, paano natin bubuhayin ang ating sarili?





Comments