Gantihan ang tema ng final match: Creamline at Petrogazz

Inaasahang magiging mainit ang tapatan sa pagitan ng Creamline Cool Smashers at PetroGazz Angels dahil sa kani-kanilang misyon para makuha ang inaasam na kampeonato ng PVL Open Conference Finals sa Nobyembre 6 sa Fil-Oil Flying V Center sa San Juan.
Isang rivalry na nabuo noong nakaraang kumperensiya matapos payukurin ng Angels ang Cool Smashers sa Reinforced Conference – hangad ng Cool Smashers na makaganti habang nais ng Angels na mapatunayang hindi kailangan ng imports upang talunin ang undefeated team. Nakatakda ang tapatan ng dalawa sa best-of-three championship match sa main game battle ng 6 p.m. habang magtatapat para sa best-of-three 3rd place game ang BanKo-Perlas spikers at Motolite sa unang laro ng 4 p.m.
Handang ipagtanggol ng Cool Smashers ang kanilang titulong kinuha noong isang taon laban sa Ateneo Lady Eagles habang huhugot ng motibasyon ang Angels para pigilan ang star-studded line up ng Cool Smashers na kanilang tinibag noong nakaraang komperensiya sa tulong ng mga import na sina Janisa Johnson at Wilma Salas.
“we have to stay committed and that would only make our goal a lot easier,” wika ni PetroGazz head coach Arnold Laniog patungkol sa mga power-hitters niyang sina Jonah Sabete at Jovie Prado katulong sina Cherry Nunag, Paneng Mercado, Jeanette Panaga, Cai Baloaloa, Alyssa Layug, Djanel Cheng, Relea Saet, Rica Enclona at Cienne Cruz.
Bukod sa makabawi at mapanatli ang titulo sa kanilang muhon, puntirya rin ng Cool Smashers ang makuha ang grand sweep sa komperensiya matapos iposte ang 18 sunod na pagkapanalo, kabilang ang 16 sweep sa double elimination round at 2 sunod sa semifinals laban sa Motolite.
Paghuhugutan ng husto ng Creamline ang kumpiyansang natamo mula sa mga National Team mainstays na sina Alyssa Valdez at Jia Morado na inaasahang magbibigay ng mabigat na responsibilidad sa koponan na lalo pang patitindihin ng malalim na bench nito na binubuo nina Michele Gumabao, Jema Galanza, Pau Soriano, Kyle Negrito, Risa Sato, Fille Cainglet-Cayetano, Celine Domingo, Rosemarie Vargas, Melissa Gohing at Kyla Atienza.





Comments