top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Young Azkals, naka-ready na vs. Cambodia sa SEAG

  • A. Servinio
  • Nov 2, 2019
  • 2 min read

Bubuksan ng Young Azkals ang kanilang kampanya sa 30th Southeast Asian Games Men’s Football Tournament kontra sa Cambodia sa Nobyembre 25 sa bagong ayos na Rizal Memorial Coliseum simula 8:00 p.m. Tiyak na gagawin nila ang lahat para makakuha ng medalya sa biennial meet.

Maganda ang naging bunutan at napasama ang Pilipinas sa masasabing magaan na Grupo A. Pagkatapos ng Cambodia, sunod na lalabanan ng Young Azkals ang Myanmar (Nob. 27) at Malaysia (Nob. 29) at magpapahinga saglit bago tapusin ang elimination round laban sa Timor Leste (Dis. 4) sa Biñan Football Stadium.

Nasa Grupo B ang mga bigatin na Thailand, Indonesia, Vietnam, Laos, Singapore at Brunei. Maliban sa Rizal Memorial at Biñan, may ilang laro sa Grupo B na gaganapin sa bagong Imus Grandstand sa Cavite. Ang semifinals ay sa Dis.7 sa Rizal Memorial at ang laban para sa ginto ay sa Dis. 10 sa parehong lugar. Noong 2017 sa Kuala Lumpur, ang Thailand, Malaysia at Indonesia ang nag-uwi ng ginto, pilak at tanso.Bilang huling paghahanda, naglalaro ang Young Azkals sa kasalukuyang ginaganap na PFL Copa Paulino Alcantara kung saan panalo sila sa unang laro laban sa Green Archers United, 1-0, subalit dumapa sa Ceres Negros sa sumunod, 1-2. May isa pa silang laro kontra sa Mendiola 1991 sa Nob. 6 sa Biñan.

Sasabak din sa aksyon ang PHL Malditas sa Nob. 26 vs. Myanmar sa Biñan simula 8 p.m. Ang isa pa nilang laro ay kontra Malaysia sa Nob. 29 sa Biñan bago malaman kung kabilang sila sa dalawa sa tatlong bansa sa Grupo A na tutuloy sa semifinals upang harapin ang dalawang mula sa Grupo B na Thailand, Indonesia o defending champion Vietnam.Nais ng Malditas na umangat buhat sa ika-apat na puwesto noong 2017. Malaki ang kanilang pinagbago buhat noon at nakalahok sa 2018 AFC Women’s Asian Cup sa Jordan kung saan kinulang lang ng isang panalo upang tumuloy sa 2019 FIFA Women’s World Cup sa Pransiya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page