top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

War on drugs, wa' epek, P-Digong aminadong pagod na

  • Fr. Robert Reyes
  • Nov 2, 2019
  • 2 min read

Napakahalaga ng Undas para sa maraming Pinoy. Ito ang araw ng paggunita para sa mga namayapa nating kamag-anak, kaibigan at iba pang mahal sa buhay.

Ngunit, sa kabila ng malalim na kabuluhan at kahalagahan ng Undas, marami rin tayong maririnig na hindi kaaya-ayang reklamo tulad ng “napakahirap kumuha ng masasakyan pauwi ng probinsiya,” “katakut-takot ang trapik papuntang sementeryo,” “pagdating ng sementeryo, dagsa ang mga tao, napakagulo” at iba pa. Gayunman, kasama na ang mga nabanggit na negatibong mga salita sa sakripisyo ng pagmamahal natin sa kanila.

Ngunit, merong kakaibang Undas, ito ang “Undas ng trahedya”. Ito ang ipinagdiwang natin noong Miyerkules, ika-30 ng Oktubre 2019. Sa halip na magpunta tayo sa sementeryo, nagtipun-tipon ang marami sa Mendiola, sa pagitan ng istatwa ni Don Chino Roces at unang gate ng Malacañang na nasa gitna ng San Beda University at CEU University. Kasama natin ang ilang pamilya ng mga biktima ng EJK. Inialay natin ang banal na misang may temang, “Bulong ng mga Kaluluwa (biktima ng EJK): Pagkalinga at Hustisya.

Nagtipun-tipon ang maliliit na grupo na tumututol sa hindi makatarungan at abusadong war on drugs. Nakisama ang panahon na sa simula ay aambun-ambon na salamat sa Diyos ay unti-unti namang tumigil.

Pagkalinga at hustisya! Ito ang panawagan ng pamilya ng mga biktima ng EJK. Kanino sila nananawagan, sa pamahalaan at sa namumuno na dapat kumakalinga sa kanyang mga nasasakupan?

Matagal nang pinanindigan ng Simbahan na dapat tingnan ang problema sa droga bilang problemang pangkalusugan. Sa pagkakataong naadik ang sinumang gumamit nito, ang kailangan niya ay tulong at hindi bala. Napakaraming namatay na sinasabing nanlaban. At ngayong lumipas na ang mahigit tatlong taon mula nang magsimula ang war on drugs, ano ang sinasabi ng pangulo?

Noong Agosto, sinabi niya sa publikong, “I’m tired, and I think, I cannot fulfill my promise of ending all these problems. Drugs will not end at the end of my term. It might just be worsened.”

Nakakapagod talaga ang karahasan, lalo na kung ang karahasan ay nagtatapos sa kamatayan.

Sana, tumigil na ang trahedya. Sana, ito ang maging tunay na paggunita ng kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga nauna nang mga mahal sa buhay. Sana, tumigil na ang pagpatay bilang paraan ng paglutas sa problema. Sana, tumigil na ang marahas at walang paggalang na salita at muling bumalik ang pagpapahalaga sa buhay at dangal ng bawat tao.

Sana, ipagdiwang natin ang tunay na kahulugan at kahalagahan ng Undas, hindi ang trahedya nito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page