Tulung-tulong sa pagbangon ng Mindanao

Patuloy ang nararanasang pagyanig sa Mindanao na posible umanong umabot hanggang sa Pasko.
Bukod sa mga buhay na nawala at marami rin ang nasugatan, may mga bahay at gusali rin ang gumuho at talagang nawasak ang kabuhayan.
Kaugnay nito, kaisa tayo sa mga nananawagan para sa anumang tulong. Ito ang panahon na kailangan ng higit na pagkakaisa at pagkakawanggawa. Kasabay nito ang patuloy na pagdarasal na malampasan ang kalamidad at mabilis na makabangon ang mga naapektuhan ng lindol.
Sa pagtataya ng mga awtoridad, mas lumaki pa ang pinsala sa Mindanao matapos ang halos magkakasunod na pagyanig.
Inabisuhan na rin ang mga residente na hayaang magsagawa ng assessment ang mga awtoridad sa mga imprastruktura upang matiyak ang kanilang kaligtasan. May pakiusap din na sana ay maging kalmado at alerto.
Panibagong hamon ito sa lahat, lalo na sa ating gobyerno. Kailangang matiyak na may pondong magagamit. Kung may budget na inaasahang matitira sa taong ito, hindi naman siguro masama kung maglalaan para sa rehabilitasyon sa Mindanao.
Ilang buwan din ang siguradong kakailanganin bago bumalik sa maayos ang lahat. Hindi maiiwasan na maapektuhan ang ekonomiya. Kaya kailangan natin itong pagtulungan.
At sana, marami rin tayong matutunan matapos ang kalamidad na ito. Mula sa pagiging handa hanggang sa kung paano muling makakabangon.





Comments