Sinita sa batas-trapiko.. 2 enforcers binaril ng rider

Binoga ang dalawang Skyway traffic enforcer ng isang lalaking nakamotorsiklo dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa Skyway sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Parañaque Doctors’ Hospital ang mga biktima na sina Rexie Talingdan, 30, Skyway traffic enforcer, ng Taguig City at Ronie delos Santos, 46, Skyway security officer/enforcer, ng Parañaque City, na nagtamo ng tig-isang tama ng bala sa katawan.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek na sakay ng motor na walang plaka.
Nangyari ang pamamaril sa Skyway expressway southbound, KM 13, Bgy. Sun Valley sa nasabing lungsod, alas-7:45 ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon, habang abala si Talingdan sa pagmamando ng trapiko sa expressway nang maispatan ang nakamotorsiklong suspek kung saan bawal sa lugar ang motorsiklo kaya tinangka niyang parahin subalit, hindi siya hinintuan nito.
Dahil dito, hinabol ni Talingdan ang suspek at humingi ng tulong sa kapwa enforcer na si Delos Santos sa Skyway patungong NAIA.
Nagawang masakote ang suspek nang sumemplang ito sa bangketa.
Nang tangkaing arestuhin ang suspek, agad na kinuha nito ang nakatagong baril sa motor at binaril ang dalawang biktima bago tumakas sa Bicutan Skyway exit.
Dinala agad ang mga sugatan sa nabanggit na pagamutan.
Narekober ang dalawang basyo ng caliber .9mm sa pinangyarihan ng krimen.





Comments