Nahulog sa bangin.. 19 todas sa killer truck

Tila humabol sa Undas ang 19 katao matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang trak sa Cagayan, kamakalawa.
Bukod sa mga nasawi, nasa 22 iba pa ang malubhang nasugatan at isinugod sa iba’t ibang ospital.
Kinilala ang mga namatay na sina Amparo Aberion, Domingo Asperela, Hermalina Dacuycuy, Pacita Dajucon, Mercy Gundan, Ciano Mamauag, Mamerto Milo, Susana Milo, Ludalina Molina, Rosemarie Molina, Rudy Pagtama, Margie Pamittan, Leticia Patay, Conrado Sabatan, Reymundo Sosa, Brenda Talay, Imelda Talay, Jayson Talay at ang SK chairperson na si Aida Battaliones, pawang mga residente ng Bgy. Lattut, Rizal, Cagayan.
Ayon kay Police Capt. Manuel Canipas, Jr., pasado alas-7:00 kamakalawa ng gabi nang maganap ang trahedya sa Bgy. Karikitan.
Pauwi na ang mga biktima lulan sa Isuzu elf truck na minaneho ni Merlito Gannaban at habang inaakyat ang may kataasang kalsada sa nabanggit na lugar ay biglang namatay ang makina ng sasakyan.
Dahil dito, umatras ang trak at tuluyang nawalan ng giya hanggang sa mahulog sa may 20 metrong lalim na bangin.
Nanggaling umano sa Rizal, Cagayan ang mga biktima kung saan kumuha lamang sila ng binhing palay na ibinigay ng gobyerno.
Kaugnay nito, sinabi ni Canipas na batay sa kanilang paunang imbestigasyon, overloading ang nakikitang dahilan ng pagkahulog dahil bukod sa 44 pasahero ay kargado pa ng binhing palay ang naturang sasakyan.





Comments