top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Balanga, naghari sa 5th series ng 3x3 Melmac Cup

A. Servinio
Nov 2, 2019
2 min read

Winakasan ng Wilkins Balanga ang ikalawang season ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 Melmac Cup handog ng Coca-Cola at Gold’s Gym sa pagsungkit nila ng kanilang ika-lima sa anim na yugto ng serye sa Gold’s Gym Sheridan sa Mandaluyong City Huwebes ng gabi. Sa P100,000 bawat isa, mag-uuwi ang koponan ng kalahating milyong piso para sa mahigit isang linggong paglalaro.

Tinalo ng Balanga ang Big Boss Cement Porac, 21-19, salamat sa pagbayani ni Alvin Pasaol. Kasama ni Pasaol sina Karl Dehesa, Chris de Chavez at Aristotle Dionisio na pansamantalang pinalitan si Leonard Santillan na umuwi ng probinsiya. Panalo rin ang Balanga sa mga yugto noong Oktubre 23, 25, 26 at 30. Ang nag-iisang yugto na nakalusot sa kanila ay noong Oktubre 29 kung saan tinalo sila ng Pasig Chooks sa isa pang mainitang tapatan, 21-19.

Maliban sa Balanga, Pasig at Porac, lumahok sa mga yugto ng Melmac Cup ang 15 iba pang koponan na kumakatawan sa Mindoro, Basilan, Binan, Mandaluyong, Vigan, Kabankalan, Bulacan, Zamboanga, Muntinlupa, Taguig, Paranaque, Valenzuela, Quezon City, Makati at Las Pinas. Kailangan maglaro ng hanggang anim na beses sa isang araw ang isang koponan para mauwi ang kampeonato.

Maghihintay na lang kung ang dalawang palaro ng Melmac Cup ay makakalikom ng sapat na puntos upang maimbitahan ang Pilipinas sa 2020 Tokyo Olympics Qualifying Tournament na gaganapin sa India sa Marso. Inihayag noong Biyernes ng gabi ng FIBA ang listahan ng apat na bansang pasok agad sa Tokyo at ang 20 iba pang dadaan sa India habang sinusulat ang balitang ito.

Bago tinago ng FIBA ang talaan ng puntos ng mga bansa sa kanilang 3X3 website noong nakaraang linggo, nasa ika-20 puwesto ang Pilipinas. Hindi na tuloy mabantayan ang progreso ng mga bansang hinahabol o nasa ilalim ng Pilipinas kaya nagpasya ang pamunuan ng Pilipinas 3X3 na magdagdag pa ng anim na halos araw-araw na torneo sa Melmac Cup upang masigurado na hindi lalabas ang bansa sa Top 24 para makuha ang inaasam na imbitasyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page