Tserman nang-ambush ng mga pulis, utas

Todas ang isang barangay chairman at isa pa nitong kasamahan makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa Balud, Masbate, kamakalawa.
Kapwa wala ng buhay na bumulagta sa encounter site sa Bgy. Mapitogo ang mga suspek na sina Dante Hernal, chairman ng Bgy. Salvacion at kasalukuyang pangulo ng Association of Barangay Captain (ABC) at isang June Ibanez, residente ng Bgy. Tonga.
Ani Police Major Maria Luisa Calubaquib, alas-8:45 kamakalawa ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa pagitan ng grupo ni Hernal at mga kagawad ng Balud Municipal Police Station (BMPS).
Nabatid na pabalik na ang mga pulis sa kanilang himpilan galing sa isang anti-gambling operation nang tambangan umano nina Hernal at Ibanez sakay sa puting van at motorsiklo. Masuwerte namang walang nasaktan sa panig ng pulisya habang napuruhan ang dalawa.
Patuloy ang follow-up operation ng mga awtoridad laban sa mga kasamahan ni Hernal na nakatakas sa nangyaring engkuwentro.





Comments