Stop munang mag-post sa fb ngayong undas para ligtas
- Bong Revilla
- Nov 1, 2019
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Napakabilis talaga ng panahon, parang kailan lang ay nakikiusap tayo sa Sandiganbayan para pumayag silang dalawin ang puntod ng aking ina na si Mommy Cena ngunit, hindi nila ito pinahintulutan at nanatili lamang tayo sa Custodial Center sa Camp Crame.
Wala tayong magawa noong nakapiit pa kung hindi ang magsindi na lamang ng kandila kasabay ng taimtim na pagdarasal para lamang gunitain ang kamatayan ng aking ina na sobrang mahal na mahal ko.
Ngayon, heto at Undas na naman, alam naman natin kung gaano kahalaga sa ating mga Katoliko ang paggunita dito at karamihan sa ating mga kababayan ay nagsisiuwi pa sa kani-kanilang probinsiya para lamang sa nakagisnang tradisyon.
Pero nais lamang nating magbigay ng paalala sa ating mga kababayan na magbubuhos ng panahon ngayon Undas na kailangang paghandaang mabuti o magplano para hindi mauwi sa problema ang inyong pagninilay-nilay sa mga sementeryo.
Unang-una, kailangang nakahanda na ang inyong kandila dahil kung sa mga daraanan patungong sementeryo kayo bibili ay tiyak na mapapamahal kayo at posibleng mabiktima pa ng mapagsamantalang negosyante.
Ganundin, sa bulaklak, dapat kahapon pa ay nakabili na kayo ng bulaklak, pero kung wala pa ay dumaan na muna kayo sa mga bagsakan tulad ng Dangwa Flower Market sa Maynila dahil higit na mura rito kesa sa iba.
Sa mga umuwi ng probinsiya at walang naiwan sa inyong mga tahanan dapat siniguro ninyong naka-lock ang inyong mga bintana at pintuan para hindi kayo manakawan at kung nakaligtaan ay ipa-check ninyo ito sa mapagkakatiwalaang kaanak.
Puwedeng mag-iwan kayo ng isa, dalawang bumbilya o radyo na nakabukas para aakalaing may tao sa loob kung walang maiiwan o ipagbilin sa kapitbahay o kaanak na mapagkakatiwalaan para makasiguro.
Sa mga wala namang dadalawin, huwag nang mag-post sa facebook kung saang lugar kayo nagbabakasyon para hindi ninyo mabigyan ng ideya ang mga kawatan na walang tao ang bahay ninyo.
Sa pagtungo sa sementeryo, tiyaking may baon kayong inuming tubig, sapat na pagkain, gamot at dapat full-charge ang mga cellphone para may magamit sa oras ng emergency.
Huwag magsama ng mga bata, pero kung hindi maiwasan ay lagyan ng contact number ang mga ito sa bulsa o talian ng lobo sa kamay para madaling makita sa oras na mawala.
Mahigpit na ipinagbabawal sa sementeryo ang alak, radyo, baraha at matatalas na bagay kaya huwag na kayong magdala dahil kukumpiskahin lamang ito ng pamunuan ng sementeryo.
Sa ngayon ay napakarami na naman ng nakatengga sa mga terminal, pier at airport kasi nga umaasang baka maging chance passenger, ganyan kasi ang Pinoy mahilig sa last minute.
At sa mga driver ng bus at operator ng bangka at barko, sana, huwag din kayong magsamantala na magsakay ng sobra-sobrang pasahero sa kapasidad ng inyong mga sasakyan upang makaiwas sa disgrasya at makaiwas na humabol ngayong Undas.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments