Problemado sa pamilya.. 16-anyos humabol sa undas, nagbigti
- Maeng Santos
- Nov 1, 2019
- 1 min read

Isang 16-anyos na binatilyo ang humabol sa Undas matapos magbigti dahil sa depresyon dala ng problema sa pamilya sa Malabon City, kahapon ng madaling-araw.
Ala-1:25 ng madaling-araw nang matagpuan ang katawan ni ‘Norman’, na nakabigti mula sa kisame ng garahe ng kanilang bahay sa Bgy. Hulong Duhat.
Agad pinutol ng kuya ang nakabuhol na lubid sa leeg ng kapatid saka humingi ng tulong sa mga magulang bago dinala ang biktima sa Ospital ng Malabon kung saan idineklara itong dead-on-arrival.
Sa pahayag ng kapatid ng biktima kay Malabon Police Homicide Investigator PSSgt. Jose Romeo Germinal, dumanas ng depresyon ang kanyang kapatid dahil sa problema sa pamilya.
Napag-alaman pa na noong Disyembre ng nakalipas na taon ay tinangka nang magpatiwakal ng binatilyo ngunit, naawat ito ng kapatid.
Ani Malabon Police Chief Col. Jessie Tamayao, lumagda ng waiver of investigation ang ama ng biktima dahil naniniwala itong walang foul play sa pagkamatay ng kanyang anak.





Comments