Dela Cruz at Piañar golds sa ASEAN boxing
- Gerard Arce
- Nov 1, 2019
- 2 min read

Sumuntok na naman ng panibagong limang medalya kabilang ang dalawang gold medals ang National Boxing Team sa katatapos lang na 2nd edition ng Belt & Road-ASEAN Boxing Championships sa Nanning City sa Guangxi, China.
Dinomina ni Jere Samuel Dela Cruz si Chinese boxer Li Di Cheng sa sa iskor na 5-0 sa men’s Light-Welterweight 64kgs category upang kunin ang unang ginto ng Pilipinas. Ito ang unang international elite tournament ng 19-years-old na Murcia, Negros Occidental-native matapos manaig sa Philippine Youth National Games noong isang taon. Hindi nakayang tapatan ng Chinese boxer ang malulupit na suntok ni Dela Cruz sa championship round. “Mahihirap po silang kalaban. Basta ipinakita ko lang sa kanya na mas matapang ako at huwag magpatalo sa mga bigayan ng suntok,” pahayag ni Dela Cruz sa panayam ng BULGAR sa social media. “Ang utos lang sa akin ni coach na gawin ko lang daw ‘yung laro ko,” dagdag nito na nagawa munang gulpihin si Vy Saphors ng Cambodia, 5-0 sa semifinals round.
Ibinigay ang ikalawang gintong medalya sa 20-anyos na tubong Panabo, Davao fighter na si Marjon Piañar ng hindi na maipagpatuloy pa ng kanyang kalabang si Dhinesh Kumar ng Singapore ang laro sa round 1 (W.O) pa lamang. Malaking bagay ang natamong eksperyensya ni Pianar sa Thailand Open International Boxing Tournament noong Hulyo ngayong taon. Nauna munang pinatalsik ni Pianar si Wei Chao Yi ng China, 4-1 sa semifinals.
Bigo namang makuha ni 2015 Singapore Southeast Asian Games silver medalist Irish Magno ang titulo sa women’s 51kgs division nang yumukod kay Endang ng Indonesia sa iskor na 1-4, bagkus ay nakuntento ito sa pilak na medalya.
Naiuwi naman nina Mario Fernandez 56kgs at Riza Pasuit (60kgs) ang tig-isang bronze medal matapos kapwa malaglag sa semifinal duel kina Chen Jianheng ng China, 1-4 at Yang Xiao Lan ng China 1-4.





Comments