top of page

Para hassle-free, mga besh... Safety tips ngayong undas

  • Justine Daguno
  • Oct 31, 2019
  • 2 min read

Isang araw bago mag-Undas, kabi-kabila na ang mga paghahanda ng marami sa ating mga kababayan. Well, hindi lang sa mga ligaw na kaluluwa dapat mag-ingat ang publiko kundi maging sa mga kawatang nagkalat para manamantala.

Ayon sa pulisya, nauuso ang iba’t ibang krimen sa mga ganitong pagkakataon kaya para sa mga bibisita sa mga sementeryo, tiyakin ang inyong kaligtasan, gayundin ang inyong tahanan.

Alamin kung nasaan ang first aid station at PNP assistance booth kapag nakaranas ng anumang aberya o krimen. Gayundin, siguraduhing maayos ang kondisyon ng inyong sasakyan bago bumiyahe at huwag kalimutan ang B-L-O-W-B-A-G-E-T-S (Battery, Lights, Oil, Water, Brakes, Air, Gas, Engine, Tire and Self).

Narito ang ilan sa mga safety tip na dapat nating alamin at tandaan:

1. HUWAG MAG-IWAN NG GAMIT SA LABAS NG BAHAY. Hangga’t maaari, ipasok ang bisikleta, motor at iba pang bagay na madalas iwan sa labas kapag normal na araw. Kung walang sapat na espasyo ang inyong bahay, maaaring ipalagay pansamantala sa bahay ng kapitbahay o kaibigan para sigurado. Makabubuti ito para maiwasang pag-interesan ng mga kawatan.

2. TIYAKIN ANG SEGURIDAD NG BAHAY BAGO UMALIS. Make sure na nakakandado ang mga pinto at nakasarado ang mga bintana. Siguraduhing walang naiwan na nakasinding kandila, nakabukas na electric gas stove, nakasaksak na appliances o bukas na gripo bago umalis ng bahay. Oks lang maging praning sa kaka-double check, ang mahalaga safe ang bahay na ating uuwian.

3. UMALIS NANG MAAGA. Ngayong Undas, expected na ang super hassle na biyahe sa mga pangunahing kalsada papuntang sementeryo. Huwag nang dumagdag sa dagsa ng mga tao, kung merong nakalaang time sa okasyong ito, pumunta nang maaga sa istasyon ng bus, tren, pier o paliparan para makaiwas sa aberya.

4. IWASANG MAGDALA NG MAMAHALING GAMIT. Kung hindi naman kailangan, huwag nang magdala ng gadgets, alahas, malaking halaga ng pera at iba pang bagay na mainit sa mga mata ng kawatan.

5. ALAMIN ANG MGA DAPAT AT HINDI DAPAT DALHIN. Bago umalis ng bahay, ihanda na ang mga dapat dalhin tulad ng sapat na pagkain at inumin para sa kasama; pamaypay, payong at kapote para sa hindi inaasahang panahon; trash bag para maiwasang magkalat ang mga basura at first aid kit para sa anumang problemang medikal.

Sa kabilang banda, bukod sa mga mamahaling gamit, iwasan din magdala ng matutulis na kagamitan; anumang gamit pangsugal at loud speaker.

‘Ika nga, safety first dapat sa lahat ng pagkakataon — may okasyon man o wala.

Kaya huwag nating dedmahin ang mga ganitong paalala, huwag lang basta basahin kundi gawin din.

Mag-ingat tayong lahat, mga ka-Bulgar!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page