Magulang ng pasaway na bata, parusahan din
- Ryan B. Sison
- Oct 31, 2019
- 2 min read

Viral ang video ng binasagang ‘batang pasaway’ o grupo ng kabataan na nagkakalat sa Biñan, Laguna.
Sa CCTV footage, makikitang humiwalay ang isa sa mga kabataan saka dinampot ang supot ng basura at inihagis sa mga kasamang nagbibisikleta.
Sumunod naman ang iba pa at inihagis ang supot hanggang sa unti-unting kumalat ang basura sa kalsada.
Ngunit, hindi nakaligtas ang grupo dahil agad itong pinarusahan ng mga taga-barangay kung saan ipinalinis sa kanila ang kalsada kung saan sila nagkalat.
Tulad ng inaasahan, umani ito ng iba’t ibang reaksiyon sa mga netizen dahil anila, dapat lang parusahan ang mga ito at marami ring nagsabing hindi sapat ang paglilinis sa kalsada dahil buong barangay umano ang dapat nilang linisin.
Hirit naman ng iba, parusahan din ang mga magulang dahil sila ang responsable sa pagdidisiplina at pagpapalaki nang tama sa kanilang mga anak.
‘Ika nga nila, kapag nagkasala, parusahan at itama ang mali dahil sa totoo lang, kung mapababayaan o magkikibit-balikat ang kinauukulan, hindi matatakot ang mga ito at maaaring gumawa ng krimen kapag tumanda.
Kung tutuusin, kaya itong pigilan ng mga magulang at lokal na pamahalaan kung sila ay magtutulungan.
Bakit hindi magpatupad ng curfew tulad sa ibang lungsod at magpakalat ng mga tanod?
Kapag lumabag, ikulong sa barangay at parusahan, hindi lang ang lalabag na kabataan kundi pati ang kanilang mga magulang.
Para sa mga magulang, dapat ninyong disiplinahin ang inyong mga anak dahil mabuti na habang bata pa ay putulan na ng sungay upang hindi lumaking salot sa lipunan.
Para naman sa mga anak, makinig sa mga magulang, gayundin, respetuhin ang lahat ng nasa paligid.
At panawagan sa kinauukulan, disiplinahin ang mamamayan kung kinakailangan para ang pagdami ng mga pasaway sa nasasakupan ay maiwasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.
Comments