Lamay, inararo.. 3 patay sa killer truck

Tatlo ang patay habang siyam ang sugatan matapos araruhin ng rumaragasang 6-wheeler truck ang isang lamay sa Bgy. San Jose, kahapon.
Isinugod sa ospital sa mga karatig na bayan ng Lemery at Taal ang mga biktima subalit, dead-on- arrival na sina Armando Atienza, 50; Michael Adaya, 43, at Ligaya de Guzman, 71.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, naaksidente ang trak na may plate# RKB-937, na minamaneho ng suspek na si Jearland del Mundo, matapos itong mag-overtake sa sinusundang sasakyan.
Hindi na nakabawi ang trak dahil nawalan na umano ito ng kontrol sa manibela.
Hanggang sa pumaling sa gilid ng kalsada kung saan naman nakatayo ang tent ng lamayan at inararo nito ang mga biktima.
Patungo sa direksiyon ng bayan ng Sta. Teresita ang trak na may kargang mahigit 100 sako ng animal feeds.
Dalawang motorsiklo at isang kotse rin ang napinsala sa insidente.
Kasalukuyan pang inoobserbahan ang kalagayan ng iba pang biktima habang tumakas ang driver ng nasabing sasakyan.





Comments