top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

BSP, 83 taon nang humuhubog ng mga batang bayani

Kuya Win Gatchalian
Oct 31, 2019
2 min read

“Kami ay laging handa!”

Ito ang tanyag na linya ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) na nagsisilbing panuntunan sa serbisyo ng mga kabataang miyembro ng BSP o mas kilala bilang mga boy scout ng ating bansa.

Ngayong araw, ginugunita natin ang ika-83 anibersaryo ng pagkakatatag ng BSP. Sa pamamagitan ng Commonwealth Act No. 111 na pinirmahan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, nagsimula itong mamayagpag sa pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad na nagsusulong ng kapatiran at pagmamahal sa sports.

Kasama na rito ang isa sa mga paborito ng lahat — ang camping, maging ang pagtatanim ng mga puno, sportsfest at outdoor games, serbisyo sa mga komunidad at paggawad at pagkilala sa mga natatanging miyembro nito.

Bilang dating National Capital Region (NCR) chairman ng BSP, noong tayo ay naglilingkod sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Valenzuela, nakita ng inyong lingkod ang hindi matatawarang kabutihang naiaambag ng BSP sa paghubog ng karakter at kaugaliang naikikintal sa mga batang scout.

Mapatutunayan ang dedikasyon sa serbisyo ng mga boy scout dahil naisasapuso nila ang 12 prinsipyo mula sa Scout Law nito, kabilang na ang kanilang pagiging matapat, mapagkakatiwalaan, matulungin, mapagkaibigan, magalang, mabait, masunurin, masayahin, matipid, matapang, malinis at maka-Diyos.

Sa pamamagitan ng mga proyekto, aktibidad at programa ng BSP kung saan nakasentro ang responsableng paglilingkod nito sa publiko, natututo ang mga scout na magkaisa, maging mapagmalasakit sa iba at mapagmahal sa bayan.

Dahil sa lakas ng loob at tiwala sa sarili ay matagumpay silang nakalilikha ng mga payak na desisyon at diskarteng lubos na nakatutulong sa oras ng pangangailangan.

Higit sa lahat, dito rin sila natututo sa mga kasanayan sa buhay tulad ng kritikal na pag-iisip, mabusisi pagdating sa mga detalye, maiging pakikinig at pag-intindi, pagtutulungan, pamumuno, positibong pananaw, kumpiyansa at iba pa.

Kapalit ng magagandang katangiang ito ay maaaring maging tagumpay o trahedya. Isa sa malulungkot na pangyayari sa kasaysayan ng BSP at buong Pilipinas ay ang pagpanaw ng 24 delegasyon ng scouts sa plane crash na patungo dapat sa Marathon, Greece para sa 11th World Jamboree noong 1963.

Ngunit, ang kanilang kagitingan ay kailanman hindi malilimutan. Bilang pag-alala sa kadakilaan ng mga boy scout ay ipinangalan sa kanila ang mga kalye sa ilang barangay sa Quezon City, tulad nina Scout Ramon V. Albano, Scout Paulo Madriñan, Scout Roberto Castor, Scout Henry Chuatoco, Scout Benecio Tobias, Scout Antonio Limbaga, Scout Gabriel Nicolas Borromeo, Scout Rogelio Ybardolaza, Scout Jose Antonio Delgado, Scout Pedro Gandia at iba pa.

Sila ang mga scout na itinuturing nating bayani at nagsisilbing mabuting ehemplo sa mga kabataang Pinoy ngayon dahil sa kanilang makabuluhang kontribusyon sa bayan.

Lumipas man sila pero ang magagandang natutunan mula sa kanila ay hindi mababalewala.

Dahil dito, buong puso at patuloy pa rin nating sinusuportahan ang ating magigiting na mga boy scout at ang pagpapalaganap ng mabuting serbisyo sa publiko ng buong BSP sa tulong ng Department of Education (DepEd) at iba pang organisasyon.

Sa BSP, maligayang pagdiriwang ng inyong pagkakatatag. Hangad natin ang matagumpay ninyong selebrasyon at mas marami pang aktibong mag-aaral na maging parte ng inyong organisasyon!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page