top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Biktima ng rape, 5 yrs. bago nagsumbong dahil tinakot, malakas pa rin ang laban sa kaso

  • Dr. Persida V. Rueda-Acosta
  • Oct 31, 2019
  • 2 min read

Dear Chief Acosta, Tinakot ng kanyang ama ang pamangkin ko na papatayin daw nito ang kanyang ina kapag nagsumbong tungkol sa ginawang kahalayan sa kanya. Limang taon na ang lumipas bago nagkaroon ng loob ang bata na magsumbong sa kinauukulan. Maaari bang ika-dismiss ng kaso ang katagalan ng panahon na lumipas bago nagsampa ng kaso ang aking pamangkin laban sa kanyang ama? — Almira

Dear Almira, Para sa inyong kaalaman, ang desisyon sa kasong People of the Philippines vs. BBB (G.R. No. 232071, 10 July 2019, Ponente: Honorable Associate Justice Diosdado M. Peralta), ang siyang angkop sa inyong katanungan.

Sa kasong ito, sinabi ng ating kagalang-galang na Korte Suprema na:

“Settled is the rule that delay in reporting an incident of rape due to death threat cannot be taken against the victim because the charge of rape is rendered doubtful only if the delay is unreasonable and unexplained.” [Binigyang-diin.]

Sa sitwasyong inyong idinulog, hindi alintana ang paglipas ng limang taon upang makapagsampa ng kaukulang kaso hinggil sa pang-aabuso ng kanyang ama ang inyong pamangkin. Ayon sa nabanggit na kaso, ang ambang pananakot ay sapat na dahilan kung bakit natatagalang magkaroon ng lakas ng loob ang mga biktima ng pang-aabuso upang makapagsumbong sa kinauukulan. Kaya basta nasa loob pa ng prescriptive period na ipinaiiral ng batas, hindi sapat na dahilan ang delay o pagkaantala ng pagsusumbong ng karanasan ng pang-aabuso upang ma-dismiss ang kasong isinampa na kaugnay nito.

Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page