Restaurant manager, patay sa sunog

Dedo ang isang restaurant manager nang makulong sa nasusunog na paupahang-bahay makaraang balikan ang iba pa niyang kagamitan kahapon ng umaga sa Malate, Manila.
Kinilala ang nasawi na si Vicco Castillo, restaurant manager sa isang mall at tenant sa nasunog na bahay sa L.M. Guerrero Street.
Ayon sa Manila Fire Bureau, bandang alas-6:00 ng umaga nang maganap ang sunog sa isang bahay na mayroon ding kantina.
Ayon kay F/Inspector John Joseph Jalique, nakalabas na ang biktima mula sa nasusunog na bahay ngunit, nagpasya itong bumalik upang sagipin ang nakalimutang mahahalagang gamit.
Hindi na umano nakalabas ang biktima matapos ma-trap sa bahay.
Nabatid na walang fire exit ang paupahang-bahay at sa isang silid lamang may fire extinguisher.
Umabot ang sunog sa unang alarma bago naideklarang fireout alas-7:14 ng umaga. Dalawang bahay at isang kainan ang nadamay sa sunog habang aabot sa P200,000 ang halaga ng mga natupok.





Comments