P-Digong, dalang-dala na, hirap pumili ng next PNP chief

Tapat. Ito ang isa sa mga katangiang hinahanap ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).
Gayunman, aminado ang pangulo na hanggang ngayon ay hirap pa rin siyang pumili kung sino ang ipapalit kay dating PNP Chief Oscar Albayalde na nag-resign kamakailan matapos masangkot sa ninja cops.
Mahirap talagang makahanap ng tamang pulis na aakma sa puwesto. ‘Yung tipong walang bahid at hindi tinatablan ng tukso, walang kaso at hindi nadadaan sa areglo!
Sa ngayon, tatlong pangalan ang lumulutang na posibleng pumalit kay Gen. Albayalde, ito ay si Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa, na tumatayong officer-in-charge ng PNP at sina Lt. Gen. Camilo Cascolan at Maj. Gen. Guillermo Eleazar.
Hindi masisisi ang pangulo kung hirap itong pumili o magtiwala sa sobrang dami ng katiwaliang nangyayari sa hanay ng kapulisan, partikular sa isyu ng ilegal na droga.
Sino nga ba ang may ‘K’?
Para sa atin, ang pulis na may malinis na konsensiya ay sapat na para maging pinuno. ‘Yung ginagamit ang kanyang kakayahan para malaman kung ano ang tama at mali at buo ang loob na magdesisyon o gawin kung ano ang nararapat at makabubuti para sa lahat.





Comments