Providential College, kampeon pinalagan ang AMA sa UCSAA

Itinanghal na kampeon ng 9th Universities, Colleges and Schools Athletic Association (UCSAA) ang First City Providential College matapos nilang pabagsakin ang AMA University, 103-95 sa CSJDM Covered Court kahapon.
Sinigurado ni John Matthew Bravo na hindi mapapahiya muli ang Royal Eagles sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng isang larong hindi makakalimutan at pag-uusapan ng matagal – 54 puntos, 15 rebounds tatlong agaw at dalawang tapal.
Lamang lang ng tatlo ang FCPC pagkatapos ng unang tatlong quarter, 67-64 at iyan ang naging hudyat para ilabas ang naiiwang lakas ng Royal Eagles. Bumuhos ng tatlong tres si Bravo bilang bahagi ng kanilang 24-8 na pagbulusok at itinayo ang pinakamalaking lamang na may limang minutong nalalabi, 91-72.
Sinubukang bumalik ng Titans at natapyas sa anim, 95-101 at 25 segundo sa orasan. Subalit pinasok ni Mark Jerome de Castro ang pandiin na puntos upang masigurado ang kampeonato at hindi na pumasok ang mga tira ng AMA sa huling 18 segundo.
Natalo ang Royal Eagles sa unang laro ng serye, 66-84 noong Okt. 10 sa CSJDM. Bumawi ang mga bata ni Coach RJ Decierdo upang maagaw ang pangalawang laro noong Oktubre 17 sa gym ng AMA-Quezon City, 74-72.
Hindi nagawang mag-isa ni Most Valuble Player at Rookie of the Year Bravo ang lahat at malaki ang tulong ni Edjon Diaz na pinasok ang lima sa kanyang 15 puntos sa huling quarter. Sinundan siya nina de Castro na may 14 puntos at 11 rebounds at Neil Joshua Moralejo na may 14 puntos, 7 rebounds at 10 assists. Nanguna para sa natalong AMA si Luke Parcero na may 25 puntos at 8 rebound. Sumunod si Alvin Fuentes na may 18 puntos at 5 assist.





Comments