Naninipol, manyak at mapanlait, kulong sa ‘Bawal Bastos Law’

Matatapos na ang maliligayang araw ng mga bastos, manyak at abusado! Ito ay dahil napirmahan na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa “Bawal Bastos Law” o Safe Spaces Act na magiging epektibo 15 araw matapos ang publication nito.
Kaya hindi na uubra ang paninipol, panghihipo, pagyaya o imbitasyon mula sa hindi kakilalang tao, pagpapakita ng galit sa babae nang walang kongkretong dahilan, pagpapakita ng negatibo sa mga transsexual o homosexual, pangungutya o pagpuna sa pisikal na hitsura ng iba, pangungulit upang makakuha ng personal na impormasyon, malalaswang komento at pagpapakita ng pribadong parte ng katawan. Kulong at multa ang katapat ninyo!
Bagama’t, madalas ay kababaihan ang biktima ng iba’t ibang klase ng pambabastos, tiniyak naman na hindi nililimitahan ang proteksiyon dahil ito ay ginawa para sa pagkakapantay-pantay din ng lahat — babae, lalaki, bading o tibo man ay protektado ng batas laban sa lahat ng uri ng sexual harassment, hindi lang sa lansangan o sa online kundi maging sa workplace at sa educational at training institutions.
Ang IRR ay pirmado ng mga pinuno ng iba’t ibang departamento kabilang ang Commission on Higher Education; Commission on Human Rights; Department of Education; Department of Health; Department of Information and Communications Technology; Department of Labor and Employment; Department of the Interior and Local Government; Department of Social Welfare and Development; Land Transportation Office; Metropolitan Manila Development Authority; Philippine Commission on Women; Philippine National Police; Technical Education and Skills Development Authority; Democratic Socialist Women of the Philippines; Sentro ng Alternatibong Lingap Panlegal at Women’s Legal and Human Rights. Ibig sabihin, sila ang magsisilbing kaagapay sa pagpapatupad ng nasabing batas.
Napakahalaga ng batas na ito lalo na sa panahon ngayon na talamak ang ilegal na droga, nagkalat ang mga wala sa katinuan at kung anu-anong trip ang pinaggagagawa para makapambiktima.
Samantala, ang nakikita nating hamon dito ay kung paano naman mapoproteksiyunan ang inaakusahang nambastos na maaaring inosente pala?
Tulad ng nangyari sa isang matandang lalaki na pinagtulungang gulpihin matapos akusahang nambastos ng babaeng pasahero na nakasakay nito sa bus. Matapos ang pambubugbog, pangangaladkad at masasakit na salita sa matanda, may lumabas na video na kuha sa loob ng nasabing bus at napakalinaw na walang pang-aabusong nangyari.
Isa pa lang ito sa marami pang sitwasyon na maaaring mangyari na maiuugnay sa pagpapatupad ng “Bawal Bastos Law” at umaasa tayong kakayanin ng gobyerno na maging maayos ang lahat sa tulong na rin nating mga taumbayan.





Comments