top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Halloween costumes, decors at toys na bad sa health, nagkalat, huli!

  • Ryan B. Sison
  • Oct 29, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kaliwa’t kanan na naman ang Halloween parties kaya ang bentahan ng costumes, accessories, pandekorasyon at laruan ay patok na naman.

Kaugnay nito, pinag-iingat ng isang environmental group ang publiko sa pagbili ng Halloween costumes, decorations at laruan dahil sa posibleng banta ng mga ito sa kalusugan, partikular na sa mga bata.

Ayon sa grupo, bumili sila ng 25 Halloween products sa halagang P25 hanggang P199 mula sa 28 tindahan sa Monumento, Caloocan City; Quiapo, Maynila; Libertad, Pasay City at Cubao, Quezon City.

Lumabas na ilan sa Halloween items na nabili ay hindi nakarehistro sa health authorities, kulang sa label at ang iba ay walang label.

Gayundin, napag-alaman na ang ilang items ay ginamitan ng pinturang may mataas na lead content habang siyam na Halloween decorations, kabilang ang apat na pumpkin figurine sets, tatlong jack-o’-lanterns at dalawang toy animals ang nagtataglay ng lead na mas mataas sa regulatory limit na 90 parts per million (ppm).

Ang orange-painter jack-o’-lantern naman ay may high lead level na mas mataas sa 10,000 ppm na labis na nakasasama sa kalusugan.

At ayon sa mga eksperto, mapanganib sa mga bata ang lead dahil maaari itong magdulot ng pangmatagalang epekto sa utak.

Kapag ganitong panahon, normal na sa atin ang bumili ng murang produkto dahil hindi naman ito palaging gagamitin tulad ng costume. Gayundin, ang mga laruan ay mabilis na pinagsasawaan ng mga bata kaya kapag mura, bili lang nang bili.

Naiintindihan nating gustong magtipid ng karamihan kaya kahit walang label o hindi sigurado kung ligtas ang produkto, dedma na lang.

Samantala, panawagan sa mga kinauukulan, kumpiskahin ang mga ibinebentang produkto na hindi rehistrado, walang label at may mataas na lead content dahil hangga’t nasa merkado ito, tiyak na may bibili nito.

Paalala rin sa publiko, kasabay ng pagtitipid ay huwag kalimutan ang pag-iingat kaya sa pamimili, iwasan ang mga produktong hindi rehistrado at walang label.

Hindi masamang tumingin sa presyo, pero sana ay huwag kalimutang ikonsidera kung mapakikinabangan ito o magiging perhuwisyo lang.

Tandaan, hindi sa lahat ng oras ay nakatutulong ang pagtitipid dahil maaari rin itong pagsisihan pagdating ng panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page