top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Cool Smashers at Angels sa PVL championship round

Gerard Arce
Oct 29, 2019
1 min read

Kapwa tinapos ng Creamline Cool Smashers at PetroGazz Angels ang kani-kanilang mga asignatura upang itakda ang muling pagtatapat sa championship round ng Premier Volleyball League Open Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.

Dinomina ng Cool Smashers ang koponan ng Motolite sa ikalawang pagkakataon sa sarili nilang best-of-three semifinal match up 25-18, 25-15, 25-8 upang manatiling undefeated simula eliminations patungong Finals para sa kanilang 18th straight victory, sa kabilang banda, winalis din ng Angels ang BanKo Perlas sa isang madikitang laban na nagtapos sa 28-26, 25-17, 25-17 panalo para iangkla ang muling pakikiharap sa Cool Smashers na kanilang tinalo noong nakalipas na Reinforced Conference.

Ito ang ika-apat na sunod na Finals appearance ng Cool Smashers at dalawang laro na lang upang magawa nito ang impresibong grand sweep sa Open Conference.

Muling sumandal ang Cool Smashers sa malupit na opensa nina Alyssa Valdez, Jema Galanza at Michele Gumabao habang minaniobra ni Jia Morado ang playmaking offense para itarak sa Motolite ang ikatlong sunod na talo sapol noong huling laro ng elimination.

Nanindigan ng husto ang PetroGazz sa paggapi laban sa matibay na Perlas Spikers na bagamat na-sweep ang semifinals ay naramdaman nito ang hirap simula Game 1 victory sa 25-22, 25-15, 25-20 noong Sabado.

Gaganapin ang Game 1 ng best-of-three championship round simula sa Nob. 6 sa San Juan Arena habang mag-aagawan sa 3rd place ang BanKo Perlas at Motolite sa sarili nilang best-of-three series.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page