Anak, isinama sa transaksiyon.. Nanay na tulak, huli sa P850-k shabu
- Janice Baricuatro
- Oct 29, 2019
- 1 min read

Arestado ang 18-anyos na babae na may bitbit pang anak matapos ma-entrap sa loob ng isang mall sa Imus City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Cavite Provincial Director Sr. Supt. William Segun ang suspek na si Angel Cobarte, 18, residente ng Bgy. San Dionisio, Dasmariñas, Cavite.
Nakatakas naman ang ka-deal nito na siyang nag-deliver dito na nakilalang si Letlet Sanieya, nasa hustong gulang at residente ng Bgy. Datu Esmael.
Nagkasa ng buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa ng DET ng Cavite City Police kasama ang PDEA sa pangunguna ni PLt. Col. Francisco Jarcia Lucena III sa isang mall sa Tanzang Luma ng Lungsod ng Imus.
Nabatid na katatapos lang nitong makipagkita sa nag-deliver sa kanya ng shabu na si alyas Lyka bago nakipag-deal sa pulis na nagpanggap na buyer.
Nakatakas si ‘Lyka’ nang habulin ito ng pulisya habang nakuha naman sa ginang ang apat na pakete ng shabu na may timbang na mahigit 125 grams at aabot sa halagang P850,000.
Nasa pangangalaga na ng WCPD Station ang anak nito.





Comments