Mga dapat malaman bago makapag-apply ng pension loan sa SSS
- Buti Na Lang May SSS
- Oct 28, 2019
- 2 min read
Buti na lang may SSS
Dear SSS, Nais kong malaman kung paano ako makaka-avail ng Pension Loan Program? Mayroon bang age limit para sa mga gustong mag-apply ng loan? Kailan at saan ako dapat mag-apply? Salamat! — Joselito
Sagot Mabuting balita, lalong pinahusay ng SSS ang Pension Loan Program (PLP)! Mula noong Oktubre 9, maaari nang makautang ang mga SSS retiree-pensioners ng katumbas ng halos 12 buwan ng kanilang pensiyon o hanggang sa pinakamataas na loanable amount na aabot sa P200,000
Ang mga retiree-pensioners na nais mag-apply sa nasabing programa ay dapat hindi hihigit sa edad 85 sa katapusan ng termino ng pautang. Ito ay dating edad 80 na pinalawig pa ng SSS hanggang edad 85 upang makatulong pa sa mas maraming pensiyunado. Dapat din ay walang ibinabawas sa kanilang buwanang pensiyon tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o sobrang benepisyong binayaran ng SSS. Kasama rin dito ang mga pensiyunadong walang paunang pensiyon na tinatanggap sa ilalim ng SSS Calamity Package. Kailangan din na ang pensiyunado ay tumatanggap na ng regular na pensiyon na hindi bababa sa isang buwan. Samantala, kung ang pensiyunado naman ay kumuha ng 18-month advance pension, siya ay dapat nakatatanggap ng kanyang regular na pensiyon na hindi bababa sa isang buwan. Hindi kasali rito ang mga retiradong pensiyunado na nasa ilalim ng Portability Law at nasa pangangalaga at kustodiya ng guardian.
Ang halagang maaaring hiramin ay batay sa halagang tinatanggap na Basic Monthly Pension kasama ang P1,000 na karagdagang benepisyo. Sa unang implementasyon ng PLP noong 2018, ang maximum loanable amount ay hanggang P32, 000 lamang na may 3, 6, 12 buwan na payment terms. Sa kasalukuyan, ito ay pinalaki na hanggang P200, 000 kung saan pinalawig din ang payment terms na hanggang 24 months o dalawang taon. Maaaring mamili rin ng halaga ng uutangin pero hindi lalampas sa P200, 000.
Sa mga gustong manghiram sa ilalim ng PLP, maaari silang magtungo sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Magsumite lamang ng PLP Application Form at mag-present ng valid ID cards tulad ng UMID, senior citizen ID, Passport o Postal ID. Magsasagawa naman ng eligibility check ang SSS para malaman kung qualified ang mga ito sa PLP. Kung kuwalipikado naman, bibigyan sila ng Union Bank Cash Card o Quick Card kung saan dito ike-credit ang kanilang loan proceeds sa loob ng limang araw.
Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.





Comments