top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Galing kasal.. Trak sumalpok sa simbahan, 6 patay

Jeff Tumbado
Oct 28, 2019
1 min read

Anim katao ang patay matapos sumalpok sa compound ng isang Simbahan ang forward truck sa San Miguel, Zamboanga del Sur, kamakalawa ng hapon.

Bukod sa mga nasawi ay nasa 20 iba pa ang dinala sa iba’t ibang pagamutan na nadamay sa insidente na nangyari sa Bgy. Limonan.

Tatlo sa anim na nasawi ang nakilala na kabilang ang dalawang taong gulang na sina Gerelyn Chavez; Jhon Brynt Albano, 19, at Boboy Cuastro, 34, pawang mga residente ng Bgy. Burawin, Tabina.

Ayon kay Police Capt. Roger Bartiana, nasa kasagsagan ng malakas na ulan nang maganap ang insidente kung saan sinasabing madulas ang kalsada.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon at batay na rin sa pahayag ng ilang mga saksi, mabagal lamang umano ang takbo ng trak subalit, pagsapit sa pakurbada at palusong na kalsada ay bumilis ito at diretsong sumalpok sa Simbahan ng Iglesia Ni Cristo (INC).

Wala naman umanong nasaktang mga tao na nasa loob ng Simbahan.

Tatlo ang dead-on-the-spot habang nasawi naman ang iba pa habang isinusugod sa ospital sa Pagadian City.

Pansamantalang ikinostudiya ng pulisya ang driver ng trak na si Edgar Pirete na nahaharap sa patung-patong na kaso.

Napag-alamang galing Buug, Zamboanga Sibugay ang trak lulan ang mga biktima at pauwi na sa Tabina matapos dumalo sa isang kasalan sa nabanggit na lugar.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page