FEU, abanse sa final 4; UP, lumarga na sa semis
- VA
- Oct 28, 2019
- 1 min read

Pinataob ng Far Eastern University ang University of the East, 82-58,upang pormal na umusad sa Final Four round ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Sa pamumuno ni Wendell Comboy katulong sina Royce Alforque at L-Jay Gonzales tinapos ng Tamaraws sa markang 8-6 standing ang elimination round. Nagposte si Comboy ng 17 puntos kabilang dito ang 5 triple habang tumapos si Alforque na may 13 puntos kasunod si Gonzales na may 12 puntos, 10 rebounds at 4 na assists.
Bagamat tumabla sila sa University of Sto. Tomas sa markang 8-6, pasok na ang FEU sa semis sa bisa ng mas mataas nilang quotient. “We’ve achieved our first goal. Next goal na kami,” ani FEU coach Olsen Racela. Para sa Red Warriors na bumaba sa 3-10 na marka, nanguna si Rey Suerte na may 16 puntos, 11 rebounds, 5 steals at 4 na assists.
Sa ikalawang laro, siniguro ng UP na wala ng magiging komplikasyon sa pag-usad nila sa susunod na round matapos pataubin ang De La Salle, 71-68. Dahil sa panalo, inangkin ng Fighting Maroons ang second seed patungo ng semis sa hawak na 9-4 na marka.At sa unang pagkakataon mula nang ilunsad sa liga ang Final Four magkakaroon sila ng insentibong twice-to-beat. Ito naman ang ikalawang sunod na taon na bigong pumasok ng Final Four ang Green Archers na nalaglag sa markang 6-7. Nanguna sa naturang panalo ng Maroons sina Bright Akhuettie, Richie Rivero, Jun Manzo at Kobe Paras na umiskor ng 17, 12, 11 at 10 puntos ayon sa pagkakasunud-sunod.





Comments