top of page

Feeling malas sa buhay, susuwertehin kung magkaka-BF na libra

  • Maestro Honorio Ong
  • Oct 28, 2019
  • 2 min read

Dear Maestro, February 10, 1988 ang birthday ko at gusto kong malaman kung kailan bubuhos ang suwerte sa akin at sa paanong paraan? Napapansin ko na kahit anong pagsisikap ko, pabagsak ako nang pabagsak. Bakit ganu’n ang kapalaran ko at ano ang dapat kong gawin?

Umaasa, Menchie ng San Antonio, Mabitac, Laguna

Dear Menchie, Upang gumanda at yumabong ang kapalaran, ang dapat gawin ay magmahal. Hindi lang basta magmahal, dapat ay makipagrelasyon o makipagkaibigan ka at makikita mo, kapag nagawa mo ‘yan, gaganda at muling yayabong ang kapalaran mo, hindi lang sa mga materyal na bagay kundi sa lahat ng aspeto ng buhay.

Sino naman ang dapat mong mahalin, maging karelasyon o kaibigan? Silang isinilang sa zodiac sign na Libra lalo na ‘yung ipinanganak ng Oktubre, partikular sa mga petsa na 4, 13, 22 o 31, puwede rin silang may mga birth dates na 7, 16 at 25.

Kapag nakakita ka ng ganyang nilalang, babae man o lalaki, huwag mo siyang pakawalan at gawin mo siyang bestfriend. Kumbaga sa talisman o anting-anting, hindi ito inaalis kaya tuluy-tuloy ang suwerte ng nagsusuot.

Kapag nakilala mo ang suwerte mong nilalang at hindi mo siya inalis sa iyong buhay, hindi ka daratnan ng anumang kamalasan, bagkus, palaging darating sa iyo ang suwerte at magagandang kapalaran.

Pero sa reyalidad ng buhay, may mga pagsubok at problemang dumarating dahil wala namang buhay na walang problema at pagsubok, kaya kapag kasama mo ang suwerteng nilalang, madali mong masusolusyunan ang bawat pagsubok na darating sa iyong buhay.

May eksaktong birth date na dapat mong hanapin upang ikaw ay lumigaya, suwertehin at kapag natagpuan mo ang suwerteng nilalang na nabanggit, kung luhaan ka ngayon o bigumbigo at nakasama mo siya, hindi n’yo namamalayan, iaahon ka ng taong ito sa pagkabigo at kalungkutan dahil ang hindi n’yo alam, itinakda kayong dalawa ng tadhana upang magsama, maging mag-bestfriend at magmahalan habambuhay.

Kaya, Menchie, hanapin mo ang birth date at zodiac sign na nabanggit at sa sandaling natagpuan mo ang nasabing nilalang, agad mapapawi ang iyong alalahanin, gayundin, mawawala ang mga kamalasan at kalungkutan mo.

At sa 2020, sa edad mong 32 pataas, darating sa iyo ang lahat ng uri ng magagandang kapalaran na magdudulot sa iyo ng masagana at maligayang karanasan habambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page