ASF, wa’ naman epekto sa tao, pero kinatatakutan
- BULGAR

- Oct 28, 2019
- 2 min read
Sa gitna ng paglaganap ng African Swine Fever (ASF), tiniyak ng iba’t ibang sangay ng gobyerno tulad ng Department of Health (DOH), Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) at Department of Agriculture (DA) na ligtas kumain ng karneng baboy sa Pilipinas.
Anila, napaghahalo kasi ang ASF at swine flu kaya inaakala ng publiko na delikado sa kalusugan ng tao ang ASF. Ayon sa animal health expert, ang swine flu, ang sakit ng baboy na maaaring makahawa sa tao. Maaari rin umanong magkasakit ang sinumang makakakain ng baboy na may swine flu.
Gayunman, ang ASF na tumatama sa baboy ay hindi humahawa sa tao at walang epekto sa kalusugan. Sa madaling salita, magkaibang virus ito. Ang problema sa pagkalat ng ASF ay ang kakapusan sa supply ng karneng baboy. Matatandaang, libu-libong baboy ang pinatay at ibinaon dahil sa ASF. Sapol din ang mga processed meat o pork-based product na ngayon ay nagbabadya naman ng epekto maging sa hanapbuhay ng mga manggagawa.
At ito ang tanong, kung safe kumain ng karneng baboy na may ASF, bakit hinaharang ang mga nagpositibo sa virus? Bakit may mga produktong inalis sa merkado?
Paliwanag ng kinauukulan, ang naturang virus ay namamatay sa mataas na temperatura na ginagamit sa pagpoproseso ng karne kaya nais nilang malaman kung paano magpopositibo pa sa virus ang mga naturang processed meat products. At ang isa pang nakikita nilang problema ay kung ang baboy mismo ang makakain ng mga naturang karne na may virus dahil tiyak na darapuan sila nito.
Ang panawagan lang natin sa ating gobyerno, partikular sa mga ahensiyang namamahala na ipaliwanag sana nang maayos sa taumbayan ang isyu sa ASF, alang-alang sa kalusugan, kabuhayan at ekonomiya ng bansa.




Comments