14-anyos arestado.. Kolehiyala ni-rape, pinatay
- Jeff Tumbado
- Oct 28, 2019
- 1 min read

Tadtad ng saksak at nakatali pa sa isang malaking kahoy nang matagpuan ng mga awtoridad ang hubad na katawan ng 19-anyos na dalaga sa Janiuay, Iloilo, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si ‘Rona’, pinaniniwalaang ginahasa muna bago pinatay.
Batay sa naisumiteng report kay Iloilo Provincial Police Office (IPPO) Director Col. Roland Vilela, nagpaalam pa umano sa kanyang ama ang biktima na bibili lamang sa tindahan sa kanilang lugar sa Bgy. Poblacion, alas-5:00 ng hapon.
Gayunman, makalipas ang ilang oras ay hindi pa rin nakakauwi ang biktima kaya hinanap na nila ito.
Sa paghahanap ng kaanak at nobyo ay unang natagpuan ang tsinelas ng biktima kasunod ang cellphone nito at kalaunan ay tuluyan nang nakita ang bangkay na nakatali sa kahoy sa liblib na bahagi ng nasabing lugar.
Sa follow-up operation ng pulisya ay nadakip ang 14-anyos na lalaki habang tinutugis pa ang kasamahan nito na itinuturong utak sa karumal-dumal na krimen.
“Binaboy nila ang anak ko. Dapat mahuli kasi kung hindi, marami pa ang kanilang mabiktima. Grabe ‘yung ginawa nila. Kung puwede lang sana patayin din sila,” pahayag ng ama ng biktima na si Rolando sa presinto.
Mag-aaral sa isang unibersidad sa Iloilo ang biktima na may kursong BS Management at umuwi lamang ito sa kanilang lugar dahil sa kanilang sembreak.





Comments