Pagbubuntis ng 10-anyos, hindi condom ang sagot!
Dalawang taon na mula nang makausap natin ang mayor na nagbahagi ng kanyang pagkabahala sa lumalalang problema ng “teenage pregnancy” sa kanyang bayan.
“Kung napakahirap mabuntis sa edad na trese, katorse o kinse, paano pa ang mga nabubuntis sa edad na sampu?”
Nagulat at napaisip tayo sa kanyang ibinahagi.
Ayon sa balita, nanawagan ang mga opisyal ng Population Commission sa pangulo na ideklarang national emergency ang “teenage pregnancy.” Ayon sa PopCom, kung hindi haharapin at hahanapan ng kalutasan ang naturang problema, maaari tayong magkaroon ng malaking problema sa aspeto ng populasyon.
Sa gitna ng umuugong na problema ng teenage pregnancy, inilunsad noong Miyerkules ang kampanyang, “No more Children Having Children.”
Ayon kay Usec. Juan Antonio Perez III, executive director ng PopCom, kailangang ipasa ng Kongreso ang batas na tutulong sa kabataang nabuntis at nakunan na tumanggap ng naturang “modern family planning services”. Kahit saang pamilihan tayo magpunta — “convenient stores” man o malalaking malls, nakalantad ang sari-saring condom. Kailangan lang ipakita ng kostumer ang kanyang ID para mapatunayang nasa tamang edad na ito para gumamit ng condom.
Ayon sa panukala ni Usec. Perez, maaari nang bigyan ng anumang contraceptive ang kabataang may edad 10 pataas. Ayon sa mga nagtutulak ng ganitong pananaw, malaki ang maitutulong ng condom at iba pang contraceptives para maiwasan ang teenage pregnancy at HIV. Nasaan na ang papel ng mga magulang, pamilya, paaralan, Simbahan at ang iba’t ibang sangay ng lipunan? Tila pinalalabas na problema na lang ito ng kabataang namulat nang maaga sa kanilang seksuwalidad ngunit, hindi marunong mag-ingat kaya walang ibang magagawa kundi ang bigyan na lang ng contraceptives.
Naalala pa natin ang mainit na kontrobersiya tungkol sa RH Bill na naging RH Law na. Hindi maaaring kumilos nang nag-iisa ang pamahalaan, Simbahan, paaralan, mga magulang at pamilya. Hindi ba, magandang pag-aralan kung paano magtutulungan para lutasin ang matitinding aspeto sa problema ng mabilis na pagdami ng ating populasyon?
Edukasyon ba o distribusyon ng contraceptives ang kailangan? Marahil, mas madali ang distribusyon ng contraceptive na ikasasaya rin ng mga kumpanyang gumagawa nito at ng kanilang mga kaibigang mambabatas na silang gagawa ng batas na maglalaan ng pondo para bumili ng contraceptive na ikakalat sa kabataan.
Pero, kapag tiningnan natin ang lipunang pumapaligid sa kabataan, makikita ang mga sumusunod na sangkap na pinagmumulan ng mga kaisipan, kamalayan at iniaalok na karanasan na maaaring pagmulan ng problema — internet (pornograpiya, cyber sex, dating sites atbp); barkada; mga magulang na walang panahon sa kanilang mga anak; malalim na kakulangan ng dayalogo at komunikasyon sa pagitan ng mga sektor ayon sa edad; mahina at hindi epektibong edukasyon at paghuhubog sa seksuwalidad at moralidad.
Huwag lamang tingnan ang teenage pregnancy bilang problema ng kabataan na sosolusyunan lamang ng kabataan kundi problema ng lipunan kasama ang mga magulang, paaralan, Simbahan at ang iba pang sektor na katuwang ng kabataan.





Comments