Karapatan at tungkulin ng DENR secretary
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Oct 27, 2019
- 3 min read
Ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan o Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay departamento sa ilalim ng Ehekutibong Sangay ng Pamahalaang Pilipinas na responsable sa pagkontrol at pamamahala ng eksplorasyon, pagpapaunlad, maayos na paggamit at pananatili ng likas na yaman ng bansa.
Bilang kagawarang sangay ng ehekutibong departamento ng Pamahalaang Pilipinas, ayon sa Konstitusyon sa Artikulo VII, Seksiyon 17, ito ay nasa ilalim ng direktang kontrol at superbisyon ng pangulo sa pamamagitan ng mga kalihim o miyembro ng gabinete na kanyang itinatalaga. Sinasabi sa Artikulo VII, Seksiyon 16 ng Konstitusyon na may kakayahang maghirang ang pangulo ng sinuman para sa mga kagawarang pang-ehekutibo nang may pahintulot ng Komisyon sa Paghirang (Commission on Appointments). Isusumite sa Komisyon sa Paghirang para kanilang pagpilian ang mga pangalang iminumungkahi para sa posisyon sa gabinete.
Hindi maaaring angkinin ng indibidwal ang kanyang puwesto sa kagawaran hangga’t hindi kinukumpirma ng Komisyon sa Paghirang. Gayunman, nakasaad sa Konstitusyon na maaaring maging Acting Cabinet Secretary ang indibidwal bago pa man siya mabigyan ng kumpirmasyon. Ayon sa Artikulo VII, Seksiyon 16 ng Konstitusyon, maaaring maghirang ang pangulo ng sinuman para sa gabinete kahit na nakabakasyon ang Kongreso. Tanggap ang mga paghirang na ito hanggang sa ipawalambisa ng Komisyon sa Paghirang o sa pagtatapos ng susunod na sesyon ng Kongreso. Sa madaling salita, pinamumunuan ng kalihim ang DENR na hinirang ng pangulo ng Pilipinas na siya ring ikinokonsiderang katuwang ng pangulo.
Bilang miyembro ng gabinete, ang kalihim ng DENR ay itinuturing na kinatawan ng pangulo sa mga tungkulin at usaping nasasakop ng kanyang kagawaran. Kaya taglay nito ang kapangyarihang maglabas ng mga kautusang tungkol sa kanilang tanggapan tulad ng mga kautusang pangkagawaran “department order”. May bisa lamang ang mga kautusang ito sa departamentong sakop ng kalihim. Nagsisilbi ring tagapayo ng pangulo ang nasabing kalihim sa usaping kapaligiran at likas na yaman.
Ayon sa Executive Order No. 292, Serye 1987, nakasaad sa Book IV, Chapter 2, Seksiyon 7 ang mga kapangyarihan at responsibilidad ng kalihim ng DENR. Sa pangkalahatan, ang kalihim ay may awtoridad at responsibilidad para sa pagsasakatuparan ng mandato ng kagawaran; ang pagtupad ng mga layunin nito at ang pagpapalabas ng mga kapangyarihan at pagpapaandar nito. Para sa mga layunin, ang kalihim ay magkakaroon ng mga sumusunod na tungkulin: (a) Magbigay ng payo sa pangulo sa pagpapahayag ng mga patakaran, regulasyon at iba pang mga isyu na naiuugnay sa pangangalaga, pamamahala, pag-unlad at wastong paggamit ng mga likas na yaman ng bansa; (b) Magtatag ng mga patakaran at pamantayan para sa mahusay at epektibong operasyon ng kagawaran alinsunod sa mga programa ng gobyerno; (c) I-promote ang mga patakaran, regulasyon at iba pang mga isyu na kinakailangan sa pagsasagawa ng mandato, layunin, patakaran, plano, programa at proyekto; (d) Magsanay ng pangangasiwa sa lahat ng mga tungkulin at aktibidad ng kagawaran; (e) Magtala ng awtoridad para sa pagganap ng anumang pang-administratibo o matibay na tungkulin sa subordinate na mga opisyal ng kagawaran; (f) Magsagawa ng iba pang mga function na maaaring maibigay ng batas o itinalaga nang naaangkop ng pangulo.
Sa mga nabanggit sa itaas ay makikita natin na ang isa sa mga pangunahing obligasyon ng kalihim ay ang magbigay ng payo sa pangulo sa pagpapahayag ng mga patakaran, regulasyon at iba pang mga isyung naiuugnay sa pangangalaga, pamamahala, pag-unlad at wastong paggamit ng mga likas na yaman ng bansa. Ito ay dahil kaya siya itinalaga roon ay ito ang kanyang expertise. Kaugnay nito, kinakailangang gumawa siya ng mga patakaran at alituntunin nang sa gayun ay maipatupad niya ang mga mandato ng ahensiya na kanyang pinangungunahan.
Yamang mayroong mga kapangyarihan at responsibilidad, bilang opisyal ng gobyerno, sa taas ng mga nabanggit, ang kalihim ay may kapanagutan bilang pinunong bayan. Ayon sa Artikulo XI, Seksiyon 1 ng Konstitusyon, sinasabi:
“SEKSIYON 1. Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin nang katungkulang pambayan. Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan ay kinakailangang mamalaging nananagutan sa taumbayan, maglingkod sa kanila na taglay ang pinakamataas na pakundangan, dangal, katapatan at kahusayan, manuparan na taglay ang pagkamakabayan at katarungan at mamuhay nang buong kapakumbabaan.”
Bukod dito, sa Seksiyon 18 ng naturang artikulo ay isinasaad na: “SEKSIYON. 18. Ang mga pinuno at kawaning pambayan ay may kautangang katapatan sa lahat ng oras sa estado at Konstitusyon at ang sinumang pinuno o kawaning pambayan na naghahangad magbago ng kanyang pagkamamamayan o magtamo ng katayuang migrante sa ibang bansa sa panahon ng kanyang panunungkulan ay dapat lapatan ng kaukulang batas.” Samakatwid, ang kalihim ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan, bagama’t, ito ay nagtataglay ng malawak na kapangyarihan, ito ay tulad ng lahat ng opisyal at pinuno ng gobyerno na mayroong pananagutan sa bayan at marapat na maging tapat sa pagseserbisyo sa lahat ng oras.
Comments