Asian Youth Weightlifting: 2 ginto binuhat ni Sarno

Photo: AsianWeightlifting Federation (facebook)
Binitbit ni Vanessa Sarno ang mga gintong medalya sa snatch at total kilograms at isang silver medal sa clean and jerk sa youth women’s 71 kgs category.
Iniangat ni Sarno ang 209 kilograms at 91kgs sa snatch at 118 kgs sa clean and jerk.
Ang 16-anyos na Grade 9 student mula Bohol Institute of Technology International College ay dinaig ang home-favorite na si Ju Hyang U ng North Korea na kinuha ang gold medal sa clean and jerk sa 119kgs habang nakuntento sa silver sa snatch (85kgs) at total (209kgs).
Nakuha ni Nigora Suvonova ng Uzbekistan ang tatlong bronze medal (snatch-84kgs, C&J 108kgs at total 192kgs).
“Masaya po kasi first time ko po maglaro ng Asian Youth and Junior Championships tapos nag-gold pa ako. Parang ang sarap sa pakiramdam kasi nasuklian yung lahat ng hirap ko po at ‘yung sakripisyo ko,” pahayag ni Sarno sa panayam ng Bulgar sa messenger.
Ito ang ika-limang gold medal ni Sarno sa international competition matapos niyang hakutin ang lahat ng gold medal sa 1st Indonesia Weightlifting Championships noong Agosto 2018 at makapag-uwi ng tig-isang silver at bronze sa 2nd EGAT Kings Cup Juniors Weightlifting Championships sa Ratchaburi, Thailand noong 2015.
Gaya ng kanyang idolo na si 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz, nais din ng Tagbilaran-native na balang-araw na makapaglaro sa mas mataas na antas ng International event at sa Olympics, ngunit kailangang tapatan nito ang lakas at husay ni Southeast Asian Games-bound Kristel Macrohon para matupad ang mga pangarap nito.
“Pangarap ko po talaga na makapaglaro sa SEAG, Asian Games at Olympics, pero makakalaban ko pa po iyong senior namin, kasi kung sino ‘yung mananalo sa weight class ko po siya po ‘yung madadala,” wika ni Sarno.





Comments