Nagpa-masturbate sa masahista.. Mayor niratrat, todas

Photo: Abs-Cbn news (right)
Napatay sa pananambang si Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro, ang alkalde na inireklamo ng pambubugbog ng isang lalaking masahista at nagpa-masturbate pa umano sa babaeng therapist.
Ayon sa inisyal na report kay Police Brig. General Valeriano de Leon, pasado alas-11:00 ng umaga kahapon nang mangyari ang ambush kay Navarro.
Nabatid na patungo sa City Prosecutors’ Office sa Cebu City si Navarro nang pagbabarilin ng apat na lalaking sakay sa puting van at kapwa armado ng matataas na kalibre ng baril.
Kasama ni Navarro ang kanyang police escorts at lulan sa police mobile patrol nang isagawa ang pananambang.
Ligtas naman ang mga pulis na escort ng napatay na alkalde na kinasuhan ng act of lasciviousness, unjust vexation at physical injury kaugnay ng insidente sa SPA.
Limang iba pang indibidwal ang iniulat na nasugatan sa ambush. Una nang inaresto ng pulisya sa kasong panggugulpi si Navarro sa isang masahistang lalaki sa SPA.
Pero, bago pa tuluyang makatakas ang alkalde ay nahabol at naharang na ito sa Mactan Cebu International Airport pasado alas-4:00 ng hapon ng Huwebes habang papasakay sa eroplano patungong Maynila.
Bago ang pag-aresto kay Navarro, nagreklamo umano ang isang masahista sa pulisya na sinuntok at binugbog ni Navarro sa loob ng massage parlor sa Fuente Osmeña, Lungsod ng Cebu bago maghatinggabi ng Huwebes.
Inakusahan ng biktimang si John Dueñas ang mayor na sinuntok ang kanyang tiyan nang pagpasok nito.
Ayon pa kay Dueñas, lasing umano ang mayor at naghahanap ng babaeng masahista na magseserbisyo sa kanya.
Ngunit, nang sinabihan nitong wala na silang babaeng masahista dahil may mga kustomer din sila, bigla na lang umano itong nagwala at naghamon ng suntukan.
Dagdag pa nito na sinuntok umano siya ng ilang beses ni Navarro. Sinabi rin ni Dueñas na matapos itong manuntok, nagpamasahe pa siya sa isang babaeng masahista at nagpa-masturbate pa ito.
Napag-alaman na isa si Navarro sa pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa listahan nito bilang narco-politicians.





Comments