top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Medical bulletin ni P-Digong, ilabas.. No way! — Palasyo

  • Mylene Alfonso
  • Oct 26, 2019
  • 1 min read

Photo: Malacañang Photo

Nanindigan ang Malacañang na hindi na kailangang maglabas pa ng official medical bulletin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ginagawa lamang ang paglalabas ng medical bulletin kung talagang seryoso ang kondisyon ng kalusugan ng pangulo ng bansa.

“Hindi na kailangan ‘yun. A medical bulletin comes into play only when the president is in serious illness, that is the constitutional requirement,” ani Panelo.

Nakasaad sa 1987 Constitution na dapat malaman ng publiko ang estado ng kalusugan ng pangulo kung ito ay “serious illness”.

Pero sa kaso umano ni Pangulong Duterte, hindi naman matindi ang epekto ng pagkakatumba nito sa motorsiklo kamakailan, bagkus ay nagdulot lamang ng muscle spasm na mabilis ding nagamot sa pamamagitan ng pain reliever.

Aniya, transparent naman ang Punong Ehekutibo sa kanyang kalusugan kung ano ang nararamdaman sa katawan nito.

Matatandaang, marami ang humihingi ng medical bulletin ni Pangulong Duterte matapos mapaaga ang pag-uwi nito mula sa Japan dahil sa matinding pananakit ng spinal column at kinailangan pa nitong gumamit ng tungkod.

Pagbalik sa bansa, nagpakonsulta umano si Pangulong Duterte sa kanyang neurologist sa hindi nabanggit na pagamutan.

Dagdag pa ni Panelo na makikita naman sa “aura” ngayon ni Pangulong Duterte na nakarekober na ito o bumuti na ang pakiramdam mula nang matingnan ng doktor at makapagpahinga.

Kasabay nito, tiniyak ni Panelo na maayos ang kalagayan at kalusugan ng pangulo at sa katunayan ay sumakay na muli ito ng motorsiklo kamakalawa ng gabi sa PSG Compound.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page