Angkas driver, tiklo sa mga baril at bala

Kalaboso ang isang Angkas driver dahil sa pagtatago ng mga baril at mga bala sa kanyang bahay sa Pateros nitong Huwebes.
Kinilala ni Pateros Police Chief Col. Simnar Gran, ang suspek na si Argel Fernando, 36, Angkas driver, ng Bgy. San Roque.
Base sa ulat, nagsilbi ng search warrant ang mga tauhan ng Station Intelligence Branch Special Weapons and Tactics (SWAT) at Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) sa pangunguna ni Cpt. Jerven Galvez, laban kay Fernando, alas-9:40 ng umaga.
Sa gitna ng paggalugad sa bahay ni Fernando, narekober dito ang apat na improvised firearms, isang caliber .38 revolver na may limang bala at siyam na 12 gauge cartridge shells na sanhi ng agarang pagkakaaresto nito.
Nakakulong na sa custodial facility ng pulisya ang suspek at inihahanda na ng awtoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban dito.





Comments