top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Ruiz, hari sa Pattaya chess

Eddie M. Paez, Jr.
Oct 25, 2019
2 min read

Hindi nasunod ang anunsiyo ng mga eksperto matapos na hablutin ng dehadong si Wayne Ruiz ng Pilipinas ang kampeonato samantalang isang sorpresang bisita rin ng podium ang kababayang si Ruelle Canino sa Under 12 na grupo nang magsara ang bakbakang pangmusmos ng 2nd Pattaya Open Chess Championships sa Bay Beach Resort ng Pattaya, Thailand.

Itinumba ni Ruiz, pang-33 lang sa pre-tournament seedings dahil sa rating nitong 1749, sa panghuling yugto si 8th ranked Ian Hong mula sa South Korea para selyuhan ang unang puwesto dala ang kartadang 8 puntos mula sa siyam na salang sa board.

Kabilang din sa mga nakatikim na tikas ng batang Pinoy sa ahedres sina Gustav Johansson (Sweden), Kai Saipetch (Thailand), Andres Chergaets (Pilipinas), 4th seed Antonella Berthe Racasa (Pilipinas), 10th seed Adrian Klein Cantomayor (Pilipinas) at si Myanmar topseed Han Thiha Sai. Nakipaghatian din siya ng puntos kina 5th seed Duy Khuong Dau (Vietnam) at Canino. Ang makinang na resulta para sa musmos na chesser ng Pilipinas sa torneong inorganisa ng 101 Chess Academy ay may kakambal na Thai Baht 5,000. Nakuntento si Myanmar bet Sai (7.5 puntos) sa pangalawang puwesto at nag-uwi ng Baht 3,500.

Bukod sa pagsikwat sa pangatllong puwesto, naging top girl finisher din ang 11-anyos na si Canino. Kumislap sa pang-apat sa ranking ang dalaginding matapos na kumartada ng 7 puntos sa tulong na rin ng mga panalo kontra kina Russian Veronika Mikhailnova, Malaysian Hasief Harris Muhd Faisal Mohd, Vietnamese Duy Khuong Dau at ang mga kababayang sina Cantomayor at Chester Gladimir Romero bukod pa sa pagkuha ng kalahating puntos nang makaharap sina Sai, Ruiz, Racasa at Singaporean Agarwal Manan.

Pumasok din sa winners’ circle sina Racasa (4th overall at 2nd best lady finisher) at Relghie Columna (5th) para bigyan ang bansa ng isang dominanteng 1-3-4-5 na pagtatapos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page