top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

PNP isalba, mga bulok na pulis, kasuhan!

  • Bong Revilla
  • Oct 25, 2019
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Kumbaga sa boksingero, bugbog-sarado, duguan, gumugulong at wasak na wasak ang pagmumukha ng Philippine National Police (PNP). Ito ay matapos makaladkad nang husto ang kanilang imahe sa naganap na pagdinig sa Senado.

Sa totoo lang, nang maupo si PNP Chief Oscar Albayalde, malaki ang iginanda ng takbo ng Pambansang Pulisya, kabi-kabila ang mga accomplishments at nagbalik ang tiwala ng sambayanan sa panandaliang katahimikan.

Sa puntong ito, pinupuri natin si Gen. Albayalde at ang lahat ng mga opisyal na seryosong ginagampanan ang kanilang trabaho bilang pulis at alam naman nating wala sa atin ang gustong pumangit ang imahe ng PNP.

Pero dahil sa pag-alingasaw ng drug recycling na kinasasangkutan ng 13 ‘ninja cops’, biglang gumuho na naman ang imahe ng PNP lalo pa at pati si Gen. Albayalde ay nadamay sa kahihiyang ito nang salain sila pare-pareho ng Senate Blue Ribbon Committee.

Hati ang opinyon, dahil may mga taong gustong makita si Gen. Albayalde na managot sa kasong ito at may mga tao namang naniniwala sa kanya na totoo ang mga sinasabi nito na wala siyang kasalanan.

Hanggang sa umabot na sa maagang pagre-resign ng dating PNP chief para pagbigyan ang mga gigil na gigil sa sitwasyon at tulad ng dapat asahan, isinama na si Gen. Albayalde sa mga sinampahan ng kaso.

Ito na ang tamang panahon at pagkakataon para magkaroon ng saysay ang mga sasabihin ni Gen. Albayalde at kung wala talaga siyang kasalanan, sasabihin ito ng hukuman at kung may kasalanan naman siya, siyempre, dapat siyang managot.

Ngunit, hindi ‘yan ang mas mahalaga, dapat nating pagtulung-tulungang ibalik ang magandang imahe ng PNP dahil mapipilay ang ating pamahalaan kung tuluyan nating kukutyain ang mga pulis, gayung hanggang ngayon ay sila pa rin ang ating inaasahan.

Kapag may gulo, huhulihin at kailangang bantayan ang katahimikan ng lugar at marami pang pagkakataong pulis pa rin ang ating kailangan, kaya hindi magandang dahil lang sa katarantaduhan ng ilan ay idadamay na natin ang lahat.

Hindi naman kayang pigilan ang media sa pagkutya sa PNP, pero sana, tayong mga ordinaryong mamamayan ay huwag nang dumaragdag pa sa pagpapakita ng kawalang respeto sa mga pulis.

Si Pangulong Rodrigo Duterte ay galit na galit sa ‘ninja cops’ kasi doblado na ang kanilang suweldo, pero gumagawa pa rin sila ng kalokohan kaya ang resulta, sibak sila sa serbisyo at ang iba ay pinoproseso pa para sibakin na rin.

At ito ang mahalaga, ang umusad na tayo pare-pareho, matutong magpatawad at magbigay ng pagkakataon sa mga bagong nakaupo na kahit kailan ay hindi naman nasangkot sa anomalya.

Kung tuluyan nating ibabagsak ang imahe ng PNP, tayo rin ang talo sa huli at ang katahimikan ng bansa ang nakataya. Kaya sana, magsama-sama tayong ibangon ang imahe ng PNP.

At sa mga bugok na pulis, kasuhan at tuluyan nang alisin sa serbisyo.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page