top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga pakulo ng mga negosyante, oks lang basta may maayos na sistema

Ryan B. Sison
Oct 25, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Shopping season na naman kaya ang malls at grocery ay may kani-kanyang pakulo para dagsain ng mamimili.

Dahil dito, nag-viral ang post ng netizens tungkol sa “super crazy sale” ng isang malaking grocery store. Sa post, hindi pa man nakapapasok sa parking area, nagsisingitan na ang mga sasakyan na gustong makapasok agad.

Sinubukan umano ng mga staff na mabigyan ang lahat ng kostumer ng shopping cart, pero dahil hindi kinaya, kani-kanyang kuha ng laundry basket ang mga kostumer at ito ang ginamit bilang cart kaya ang nangyari, ang mga basket na hila-hila ay nadumihan at hindi naman binayaran.

Gayundin, napakahaba ng pila sa mga cashier kung saan inaabot umano ng dalawa hanggang tatlong oras bago makapagbayad at dahil dito, maraming kostumer ang nagutom at pagod.

Bagama’t, may tindang mga pagkain sa loob ng shopping area at mabenta ito sa mga gutom na kostumer, kaso nagkalat naman ang basura ng pinagkainan.

Bukod pa rito, maraming mamimili ang nagbukas at kumain ng mga grocery item tulad ng mga sitsirya at inumin, pero hindi nagbayad kung saan ayon sa ilang netizens, maituturing itong pagnanakaw.

At dahil sale, maraming buy 1 take 1 promo, partikular sa mga pastry. May mga nagbukas ng packaging at tinikman ang laman, pero nang hindi magustuhan, basta na lang ibinalik sa lalagyan.

Sa halip na makatulong sa mamimili at negosyante, naging problema pa.

Ang mga ganitong klase ng prebilehiyo ay dapat ginagamit nang tama at hindi inaabuso kaya sana, kung kaya ninyong magbayad ng membership fee, maging disiplinado kayo dahil sa totoo lang, ang pagiging disiplinado ay libre lang at hindi nabibili.

Nakadidismaya dahil marami sa atin ang may pera, pero walang disiplina. ‘Yung tipong kayang bumili ng sandamakmak na grocery items, pero iniiwan lang ang basura kung saan-saan.

Hindi natin alam na ang mga ninakaw o na-damage na grocery items ay itsa-charge sa mga staff na nagtatrabaho naman nang tama, pero dahil sa kawalan ng disiplina ng ilan ay mababawasan pa ang iuuwi nila sa pamilya.

Sa totoo lang, walang problema sa mga ganitong uri ng sale, pero para sa mga store owner, maging aral sana ito na magkaroon ng mas maayos na sistema o paglilimita sa bilang ng kostumer kada oras na maaaring makapag-shopping kapag may ganitong pakulo ang grocery.

At para sa mga mamimili, maging disiplinado at huwag dedmahin ang ipinatutupad na sistema ng store dahil ang kawalan ng disiplina ay puwedeng mauwi sa lalong pagdami ng problema sa ating paligid.

‘Ika nga, tumanda nang pasulong at hindi paurong!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page