Para sa Undas.. 885 special bus permits, ibinigay ng LTFRB

Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng 885 special permits sa ilang public utility buses (PUBs) dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas.
Kasabay nito, titiyakin din ng LTFRB ang road worthiness o ligtas na maibibiyahe ang mga public utility vehicle (PUV) at ang kahandaan ng mga drayber na maihatid ang kanilang mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Technical Division Head Joel Bolano, iginawad ang special permit sa mga operator na may mga bus na hindi hihigit sa 10 taon at updated ang insurance coverage.
Siniguro na rin ni LTFRB Chairman Martin Delgra na estratehikong pupuwesto ang mga Malasakit Help Desk nito upang tumulong sa mga motorista at pasahero.
Samantala, ikinasa ng LTFRB ang ocular inspection sa mga terminal at garahe ng PUV simula sa susunod na linggo para masigurong nakasusunod ang mga kompanya at operator sa itinakdang pamantayan ng mga pasilidad. Paiigtingin din ng LTFRB ang operasyon laban sa ilegal o kolorum na PUVs at taxi units.
Ipinaalala pa ni Delgra sa mga bus company administrator at drayber na mahigpit na ipatupad ang diskuwento sa pasahe ng mga senior citizen, estudyante at persons with disabilities (PWDs) gayundin ang pagprayoridad sa kanila sa mga terminal.





Comments