Paglalabas ng CCTV footage na kabataan ang sangkot, dapat ingatan
- Kuya Win Gatchalian
- Oct 24, 2019
- 2 min read

Naimbento ang CCTV (Closed Circuit Television Video) noong 1942 upang obserbahan ang mga German V-2 rocket. Ngunit, nagsimulang mas gamitin ito ng kapulisan noong 1968 sa New York sa Amerika para puksain ang kriminalidad sa nasabing siyudad.
Sa panahon ngayon, pangkaraniwan at pangunahing pangangailangan na ng mga tao ang pagkakaroon ng CCTV.
Ilan sa mga benepisyo nito ay para sa dokumentasyon, paglutas sa krimen, pag-antabay sa daan at trapiko at pagbabantay sa loob ng tahanan, institusyon at establisimyento ng iba’t ibang industriya.
Tulad na lamang ng paghuli sa mga kriminal sa ating lipunan, ang paglalagay ng mga CCTV camera sa loob ng paaralan ay napakahalaga at mabisang ebidensiya para matukoy agad ang totoong nangyari at sino ang dapat managot sa anumang insidente.
Sa pamamagitan ng pagkakabit nito, walang patid na nakarekord ang kaganapan sa bawat sulok ng eskuwelahan at mamo-monitor ang mga estudyante, teaching at non-teaching personnel at mga bisita.
Mula sa pagkasira ng pasilidad o kagamitan, pagnanakaw, pagtatago ng aklat o bag ng estudyante o guro hanggang sa pambu-bully at paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot, malaki ang maitutulong ng nakuhang imahe o video mula sa CCTV camera upang malutas ang isyu.
Ngunit, dapat iginagalang ang confidentiality at non-disclosure ng mga footage upang maprotektahan ang bawat isa, kaya naman ipinagbabawal ang paglalabas, pagpapanood at pagbebenta ng mga video recording o litrato sa kahit sino.
Ngunit, sa oras ng pangangailangan o emergency, mahalagang magkaroon nang maayos na pagkuha at pagtingin sa mga imahe at video upang maresolba ang anumang nangyari.
Hindi na maaaring umubra pa ang maling mga pamamaraan at pananamantala ng pagkuha ng access nito tulad ng mga naiuulat na insidente noon dahil magkakaroon na ng mga istriktong pamantayan na kailangang sundin sa instalasyon at panonood ng nasabing mga materyales upang mapreserba ang seguridad ng mga mag-aaral.
Isinumite natin ang ganitong panukala na Senate Bill No. 742 o ang CCTV Act of 2019. Pangunahing layunin nito ang ilatag ang mga pamantayan sa pagkakabit at paggamit ng CCTV camera sa mga pribado at pampublikong paaralan, maging sa mga kalye, hotel, mall, restaurant, pawnshop, palengke, gasolinahan, money remittance center, fastfood center, ospital, paliparan at iba pa.
Tulad ng ating nabanggit, kabilang sa panuntunan ng panukalang-batas ang pagbabawal sa pagbibigay ng kopya sa media, maliban na lamang kung kailangang tukuyin ang kaukulang kaalaman tungkol sa pagkakakilanlan ng may sala o bigyan ang publiko ng kritikal na impormasyon kung saang apektadong komunidad sila napapabilang.
Hangad natin ang kapanatagan ng kalooban hindi lamang ng mga mag-aaral kundi maging ang kanilang mga magulang habang kanilang ipinagkakatiwala sa paaralan ang pangangalaga, kaligtasan at seguridad ng kanilang mga anak.
Sa pamamagitan ng materyal na naibabahagi mula sa CCTV camera, makatutulong ito sa pagtukoy sa katotohanan at tamang datos at impormasyon sa anumang sitwasyon.
Kaya naman, umaasa tayo na maipalaganap ang tamang paggamit nito sa bawat paaralan at maging sa iba pang institusyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments