Overall championship sa SEAG optimistiko ang Nat’l Team

Optimistiko si Philippine Sports Commission (PSC) chairman at Chef de Mission William “Butch” Ramirez na makukuha ng national team ang hinahangad nitong 2nd overall title sa darating na 30th edisyon ng Southeast Asian Games simula Nob. 30-Dis. 11 sa bansa.
Aminado si Ramirez na malaki ang kumpiyansya ng pambansang koponan dahil sa mga natamong tagumpay sa pandaigdigang kumpetisyon nina 2020 Tokyo Olympic-bounds Pole Vaulter Ernest Obiena at Gymnasts Miguel Yulo at newly-crowned world champ boxer Nesthy Petecio.
“Because of that exposure, malakas ang loob ko (I am confident). We can deliver a surprise in the SEA Games,” wika ni Ramirez sa lingguhang PSA forum nitong Martes ng umaga. ”And it’s very inspiring to see the results. We have found new heroes,” dagdag ni Ramirez patungkol kina Yulo, Obiena at Petecio.
Sinabi rin ng kalihim ng pampalakasan na malaki ang posibilidad na maulit ng bansa ang nagawa nito noong 2005 Manila meet, na sapul nang mapanalunan ng bansa ang unang overall title, nahirapan ang Pilipinas na makipagsabayan sa ilang kapitbahay sa Hilagang Silangang. “With all our investment, I am confident that our athletes will deliver in this SEA Games,” sambit ni Ramirez. “The heart and soul of this SEA Games are the athletes and we are taking care of them. We have not been remiss.”
Mula sa P300-M na pondo, malaki na umano ang nagagamit na pondo ng ahensiya ng pampalakasan para sa paghahanda ng national team. Inaatas ng Malacañang na ibigay ang nararapat na tulong at gabay sa national athletes upang mapanatili ang mataas na morale ng mga ito.
Samantala, palalakasin pa ng bagong Platinum Sponsor ang pag-ayuda sa 30th Southeast Asian Games at 10th ASEAN Para Games sa Pilipinas, ang PINACO na nangungunang gumagawa ng baterya ng sasakyan sa Vietnam ay nakatutulong din sa mga palaro sa Vietnam at nais nilang palawigin hanggang 2021 kung saan idaraos ang 31st SEAG.
Pormal na nilagdaan ang isang kasunduan sa isang payak na pagtitipon sa Taguig City sa harap ng mga kinatawan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), PINACO at Mediapro. “It is such a great honor and pride for PINACO to be one of the official Platinum Sponsors of this event in the hopes of contributing to the success of the Games,” wika ni Tran Thanh Van na General Director ng PINACO. Inaasahan na mahigit 11,000 atleta ang magtatagisan sa 56 disiplina para sa pinakamalaking SEAG sa kasaysayan.
Nagpasalamat si Jojit Alcazar, na kumatawan kay PHISGOC Chairman Speaker Alan Peter S. Cayetano. Noong 2018, nakakuha ang PHISGOC ng tulong buhat sa pribadong sector upang madagdagan ang pondong kailangan para sa matagumpay na SEAG.





Comments