Beybi at 9 yrs. old patay sa sunog
- Mylene Alfonso
- Oct 24, 2019
- 1 min read

Namatay sa suffocation ang magkapatid na paslit makaraang masunog ang kanilang bahay kahapon ng umaga sa Tondo, Manila.
Hindi na naisalba sina Aliyah Raine Morales, 9, at ang kanyang kapatid na si Anastacia Marie, 18 buwang gulang.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection, alas-9:16 ng umaga nang sumiklab ang sunog mula sa second floor ng tatlong palapag na bahay.
Ang nasabing bahay ay pagmamay-ari ni Marina Sia at inuokupahan ng isang Rica Marie Ocampo. Alas-9:37 ng umaga nang maapula ang sunog na umabot sa kalahating oras at idineklarang fireout alas-9:39 ng umaga.
Ayon kay F/Insp. John Joseph Jalique, wala ang mga magulang ng mga bata nang maganap ang sunog dahil pumasok ang mga ito sa trabaho. Gising na umano ang mga bata nang umalis ang kanilang ina at iniwan sila sa pangangalaga ng kanilang lola.
Nagtataka rin umano ito kung bakit nasa silid pa ang mga bata nang maganap ang sunog habang ang kanilang lola ay nasa unang palapag umano ng bahay at nang sumiklab ang sunog ay hindi na nagawa pang isalba ang mga biktima.
Nabatid na gawa sa kongkretong materyales ang bahay ngunit, maliit umano ito at tila pinilit lamang ito na malagyan ng ikatlong palapag at makitid din ang daanan kaya hindi na nagawa ng mga biktima na makababa.





Comments